Tsismosa bilang contact tracers, dinedma ng Palasyo

Bukod sa natawa nang marinig ang panukala, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na hindi pa ito nakakaabot sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at mahirap din kung mga tsismoso at tsismosa ang gagamitin.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Malamig ang na­ging pagtanggap ng Malacañang sa panukala ni Police Brigadier General Albert Ignatius Ferro, director ng Police Regional Office sa Central Visayas (PRO-7) na gamitin ang mga tsismosa bilang mga contact tracers.

Bukod sa natawa nang marinig ang panukala, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na hindi pa ito nakakaabot sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at mahirap din kung mga tsismoso at tsismosa ang gagamitin.

Ipinunto rin ni Ro­que ang sinabi ni con­tact tracing czar at  Baguio City Mayor Benjamin Magalong na importante na mayroong background sa imbestigasyon ang mga kukunin.

Ipinahiwatig ni Roque na hindi kuwalipikado ang mga tsismoso at tsismosa at mas makakabuti pang magsanay na lamang ng mga pulis bilang contact tracers.

Idinagdag ni Roque na mas mabuti na ang gumamit ng may mga “standard training” kaysa ibase sa tsismis ang pagtukoy sa  mga posibleng nakasalamuha ng may COVID-19.

Pero aminado rin si Roque na wala namang espesyal na kuwalipikasyon para sa mga kukuning contact tracers basta’t maru­nong silang mag-isip at mag-analisa.

Sa huli ay sinabi ni Roque na susunod naman ang Malacañang sa “kumpas” ni Magalong tungkol sa pagkuha ng contact tracers.

Show comments