MANILA, Philippines — Walong kawani ng Presidential Security Group (PSG) ang kumpirmadong nahawaan ng coronavirus disease (COVID-19), ulat ni kanilang kumander, Miyerkules.
Ayon sa PSG commander na si Col. Jesus Durante III, nakatalaga kay Executive Secretary Salvador Medialdea, na una nang nagnegatibo sa COVID-19, ang mga tropang nag-positibo.
Sa kabila niyan, tiniyak ni Durante na ligtas mula sa nakamamatay na virus si Pangulong Rodrigo Duterte, lalo na't hindi niya nakasalamuha ang walo.
"The said personnel to include two officers and six enlisted personnel, are on outside duty and did not have any close contact with the president," wika ni Durante sa isang pahayag.
"PSG also assures the public of the president’s safety despite this unfortunate situation as we continually implement the strict health protocols to our personnel and their dependents to guarantee that the President is safe and healthy."
Dati nang nadali ng COVID-19 ang sandamak-mak na miyembro ng PSG, gaya ng 160 miyembro nito noong Mayo. Sa kabila niyan, hindi man lang dinapuan ng virus si Duterte.
Basahin: 160 PSG positive for COVID-19
Nasa 75-anyos na si Duterte, ang pinakamatandang pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas nang makuha ang posisyon, bagay na naglalagay sa kanya sa mas malaking panganib sa COVID-19.
Sabi pa ni Durante, laging tine-test para sa COVID-19 ang mga PSG na umaaligid kay Digong para matiyak na ligtas ang presidente sa virus at outside threats.
Lagi't lagi rin daw nakahiwalay sa isang "billeting area" ang mga close-in security ng presidente upang malimitahan ang pakikisalamuha nila kahit sa mga kasamahan at mahal sa buhay, para na rin mabawasan ang exposure at hindi maging banta mismo.
"PSG remains steadfast in being a 360-degree shield for the president and the seat of central power in the country," kanyang panapos.
Nakatakdang magbigay ng kanyang pisikal na State of the Nation Address (SONA) si Duterte sa Lunes, ika-27 ng Hulyo, sa Batasang Pambansa, ngunit hindi papayagan ang media labas sa gobyerno upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.
Kahapon lang nang humataw sa 70,764 ang nahahawaan ng nakamamatay na virus sa Pilipinas, ayon sa tala ng Department of Health (DOH). Sa bilang na 'yan, 1,837 na ang patay. — may mga ulat mula kay The STAR/Christina Mendez