Nagka-COVID-19 sa bansa humataw sa dami, 70,764 na ngayong araw
MANILA, Philippines (Updated, 5:28 p.m.) — Patuloy pa rin ang pagpapatong-patong ng bilang ng mga kumpirmadong coronavirus disease (COVID-19) infections sa bansa, ayon sa huling ulat ng Department of Health (DOH), Martes.
Umabot na kasi ito sa 70,764 ngayong araw matapos maitala ang [figure] panibagong kaso, mas mataas nang 1,951 kumpara sa datos kahapon ng gobyerno.
Sa bilang na 'yan, 45,646 ang sinasabing aktibong kaso, o yaong mga infected pa rin ng virus at hindi pa pumapanaw mula rito. Sinasabing Pilipinas ang may pinakamaraming active cases sa buong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) region.
"Sa mga newly reported cases, meron tayong 1,348 fresh cases at 603 late cases," paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Nagmula ang mga bagong kaso sa resultang isinumite ng 57 sa 89 licensed laboratories.
Narito ang mga lugar kung saan pinakamarami ang bagong COVID-19 cases:
- National Capital region (1,464)
- Cebu (90)
- Laguna (74)
- Cavite (53)
- Rizal (36)
Patay naman na sa kinatatakutang sakit ang 1,837 katao matapos maidagdag ang dalawang iba pa.
"Sa dalawang deaths na ito, isa po ang nangyari noong July, at isa po ang nangyari noong June," dagdag pa ni Vergeire. Galing sa Region 6 at 7 ang dalawa.
Gayunpaman, maigi na ang pakiramdam ng 209 karagdagang kaso, bagay na nag-aakyat sa total local recoveries sa 23,281.
Kanina lang nang sabihin ni Duterte na hindi siya mangingiming ipaaresto ang mga mahuhuling hindi nagsusuot ng face mask sa publiko, bilang bahagi ng pagsusumikap ng gobyerno laban sa pandemya.
"I have no qualms in arresting people who are not wearing [face] mask. It seems to be trivial, but during a time of pandemic, it can be a serious crime. You are transmitting virus, you are a carrier," sabi ni Duterte sa isang talumpati, Martes nang umaga.
"We'll have to ask our police to be more strict."
Target ngayon nina Health Secretary Francisco Duque III na umabot sa 10 milyon ang masusuri para sa nakamamatay na sakit bago dumating ang 2021, kahit na sinasabi ng Malacañang na walang ipinatutupad na "mass testing" kontra COVID-19 sa bansa.
Ilang kaalyado na ni Duterte ang nagrekomenda na simulan na ang mass testing sa bansa para "muling mabuhay ang ekonomiya," bagay na matagal nang itinutulak ng mga progresibong grupo. Ilan sa mga admin allies na umaapela ngayon ay si Anakalusugan Rep. Mike Defensor noong weekend.
"There should be a calibrated balance between health and economic concerns. In the absence of a cure and vaccine, mass testing is the only qualified undertaking that can assuage the work area and other business entities," ani Defensor.
"We should intensify mass testing, implement test, trace and treat. And big corporations should do this on their own employees and maybe their families too."
Sa ngayon, pumalo na sa 14.34 milyon ang nadadali ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa World Health Organization. 603,691 sa kanila ang patay na.
- Latest