QC papayagan ang protesta sa SONA kahit may COVID-19 pa, basta 'limitado'
MANILA, Philippines — Hindi pagbabawalan ng Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga nakatakdang kilos-protesta sa darating na ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, bagay na gaganapin sa Batasang Pambansa sa Lunes.
Ang balitang 'yan ay kinumpirma ng alkalde sa Laging Handa virtual briefing na inere ng estado.
"Here in Quezon City, we will allow, to a limited extent, the demonstrations and protesters just because this has been the tradition for a very long time here in our city," sabi ni Belmonte.
"While coordinating with the [Philippine National Police], we have come to the agreement dito sa [National Capital Region Police Office] at saka sa [Quezon City Police District] na papahintulutan ang demonstrations provided that may strict adherence sa [Batas Pambansa] 880."
Sa ilalim ng BP 880, protektado ang karapatang magtipon-tipon upang maglabas ng saloobin, basta't humingi muna ng permit mula sa lokal na gobyerno at PNP ang mga raliyista.
Kinikilala naman ng BP 880 ang mga "freedom park" na kung saan maaring mag-protesta o magsagawa ng programa na kahit walang permit.
Taun-taong inuulan ng mobilisasyon ang QC, madalas sa Commonwealth Ave., tuwing SONA — kung saan inihahayag ng presidente ang mga "accomplishments" at mga nais makamit ng administrasyon sa mga nalalabing taon ng panunungkulan.
Habang laganap ang coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, matatandaang pinag-aaresto ng PNP ang mga nagproprotesta sa iba't ibang bahagi ng bansa, lalo na noong Mayo Uno at yaong mga pagkilos na may kaugnayan sa Anti-Terror Law. 'Yan ay kahit na sumusunod naman sa "social distancing" at may mga suot na face masks ang mga naturang nagtitipon.
Basahin: 7 anti-terror bill protesters arestado sa UP Cebu sa 'paglabag ng quarantine'
May kaugnayan: Marikina mayor pinalalaya ang 10 relief workers na inaresto ng PNP
Kahapon lang nang kumpirmahin ni presidential spokesperson Harry Roque na personal itong ibibigay ni Digong sa Batasan, ngunit 50 katao lang ang papayagan sa venue.
"Ngayon siyempre magiging mas strikto tayo sapagkat meron tayong pandemya. So we will be very strict in ensuring that all of these protestors, demonstrators or rallyists will be complying with minimum health standards, otherwise we have the right to of course remind them or even disperse them peacefully of course kung nakikita na natin na nagiging public health hazard na po sila," sabi pa ni Belmonte.
"Kailangan itong mga protesters ay may pagtaya at pangako din na gagampanan nila ang kailangan nilang gawing responsibilidad para siguraduhing ligtas ang lahat."
Dati nang sinabi ni Duterte na ipinagbabawal ang mga mass gatherings — gaya ng mga birthday party — upang makaiwas sa pagkalaw ng nakamamatay na COVID-19.
May kaugnayan: 'Mahiya kayo': Pagdepensa ng PNP sa ECQ bday bash ng NCRPO chief kinastigo
Gayunpaman, dahan-dahan itong niluluwagan ng gobyerno ang mga patakaran sa pagtitipon lalo na't nasa mas relaxed na general community community quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
Kahapon, inirekomenda muna ni PNP chief Gen. Archie Gamboa sa publiko na idaan na lang sa "online protests" ang mga hinaing nila kay Duterte sa SONA para na rin sa kanilang kapakanan.
"For those planning to protest, we're pleading with you, if possible, just do it online, because these are not ordinary times," ani Gamboa.
"You saw in the past SONA that we allowed it, but now, we have a specific situation in this pandemic. We hope everybody would cooperate because it's not only for our good but for you and for others."
Una nang sinabi ng ilang legal experts na walang anumang batas sa porma ng Republic Act at Revised Penal Code na totoong magbibigay dahilan para mang-aresto sa kalagitnaan ng mga quarantine at lockdown.
--
Disclosure: Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay shareholder ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo ng digital news outlet Pilipino Star Ngayon. Ang artikulong ito ay nilathala batay sa editorial guidelines.
- Latest