MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ng Senado at Department of Justice ang napaulat na pagkamatay ng mga drug convicts sa New Bilibid Prison (NBP) dahil sa COVID-19.
Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na maraming mga tanong sa kanila at sa publiko ang kailangang masagot sa nasabing insidente kaya naghain siya ng Senate Resolution 468.
Paliwanag ni Sotto, kailangang masagot ng NBP kung bakit walang autopsy na ginawa sa bangkay ng mga drug convicts.
Bakit hindi rin umano nabigyan ng impormasyon ang DOJ tungkol dito.
Noong Sabado ng gabi ay natanggap ni Sotto ang impormasyon kung saan nasawi sa COVID-19 at kaagad na i-cremate sina Francis Go (May 29), Jimmy Yang (June 1) Benjamin Marcelo , Zhang Zhu Li (May 31), Jimmy Kinsing Hung, Eugene Chua (June 3), Ryan Ong, Amin Buratong at si Jaybee Sebastian.
Nagpahayag ng pagdududa ang senador dahil base sa nakuha niyang impormasyon lahat ng nasawi ay ang mga tinaguriang Bilibid 19 at walang anumang documentation na sinabayan pa ng news blackout.
Samantala, nakatakda namang magpalabas ng Department Order ang DOJ para magsagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI).
Kahapon, nagtungo si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag sa DOJ at nakipagpulong kay Secretary Menardo Guevarra na nais na makakuha ng paliwanag sa pagkamatay ng ‘high-profile inmates’ na nakakulong sa Building 14 ng maximum security compound.
Ipinaliwanag din ni Bantag ang ipinatutupad nilang protocols kabilang ang mandatory na cremation sa bangkay sa loob ng 12 oras para umano maiwasan ang pagkalat ng impeksyon. Inamin niya na na-cremate ang inmate na si Sebastian dahil sa naturang protocol.
Upang matanggal naman ang mga pagdududa sa pagkasawi ng siyam na inmates, sinabi ni Bantag na handa siyang magpasailalim sa anumang hiwalay na imbestigasyon.