MANILA, Philippines — Sinimulan na ang clinical trials para pag-aralan ang potensiyal ng Tawa-tawa at iba pang herbal plants bilang dagdag na gamot para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19, ayon kay Department of Science and Technology Science Secretary Fortunato De La Peña.
Una nang inaprubahan ang Tawa-tawa bilang health supplement para sa Dengue at ngayon’ ay pinag-aaralan naman ang bisa nito para sa COVID-19.
Nilinaw ni Dela Peña na hindi naman ikinokonsiderang solong gamot kundi ‘adjuvant therapy’ para sa COVID-19.
Nakatuon ang pag-aaral sa tawa-tawa sa potensiyal nito na matulungan ang mga pasyente na huwag nang magdevelop pa sa mas malalang sintomas ng COVID-19.
Nasa 20 pasyente na ang nakasalang sa clinical trial at nangangailangan pa aniya ng 45 na pasyente ng COVID-19 para sa pag-aaral.
Bukod sa Tawa-tawa, pinayagan na rin ng DOST na isailalim sa clinical trials ang Lagundi laban sa COVID-19.
“The project aims to determine if lagundi, as adjuvant therapy, can provide symptomatic relief for mild COVID-19 patients without co-morbidities. It also aims to determine if lagundi can decrease the number of patients who progress from mild to moderate or severe case,” ani Dela Peña.
Dati nang may mabibiling Lagundi tablet at syrup na rehistradong gamot para sa ubo. Isa sa sintomas ng COVID-19 ang cough o ubo.