Face masks na may valve, mapanganib - FDA
MANILA, Philippines — Hindi inirerekomenda ni Food and Drugs Administration (FDA) Director General at Health Undersecretary Eric Domingo ang paggamit ng face masks na may exhalation valve para dahil ‘one-way’ ang naibibigay na proteksiyon nito.
“Ang proteksyon niya one-way pero ang gusto natin ang proteksyon ng mask ay two-way. Kung tayo ay walang sakit hindi tayo mahahawa, kung tayo ay may sakit hindi tayo manghahawa,” sabi ni Domingo.
Ayon sa opisyal, ang proteksiyong ibinibigay ng face masks na may exhalation valves ay para lamang sa may suot nito at ang ibinubuga niyang hininga ay nakalulusot pa rin palabas, na makakahawa sa ibang tao sakaling may taglay na bacteria o virus.
Ginagamit ang may exhalation valve na face masks sa industrial tulad ng karpintero upang hindi makalanghap ng alikabok.
“Ang totoo po kasi karamihan ng mga maskara na may valve hindi po ‘yan naka-register for medical purposes. Hindi sila mga medical and/or surgical mask, kundi ay mga industrial mask ginagamit ng mga karpintero, mga naga-grinding so ang talagang intensyon niyan ay hindi makapasok ‘yung alikabok sa ihihinga ng tao,” ani Domingo.
“Pero wala siyang proteksyon... halimbawa kung ikaw ay may sakit at suot-suot mo [may valve] maaring lumabas po ‘yung hininga niyo doon sa valve. Kung talagang infection control po talaga ay hindi po para doon,” paliwanag pa niya.
Sinabi pa ni Domingo na mas mainam pa ngang gamitin ang mga cloth mask kumpara sa face masks na may valve pagdating sa pagbibigay ng two-way protection, dahil mas napuprotektahan pa nito ang may suot ng masks at maging ang mga tao sa kanyang paligid.
Nag-abiso na rin aniya sila sa mga pagamutan sa bansa hinggil sa pagbabawal sa pagpasok ng mga taong nakasuot ng face masks na may valve, gayundin ang mga taong mali ang pagkakasuot ng face masks.
Pinag-aaralan na rin nila ang paglalabas ng advisory sa iba pang establisimyento gaya ng mga malls at mga restaurants hinggil sa panganib ng paggamit ng face masks na may valves.
- Latest