Higit 60K kaso ng COVID-19 ikinalungkot ng Malacañang
MANILA, Philippines — Ikinalungkot ng Malacanang ang patuloy na pagtaas ng bilang ng may COVID-19 sa bansa na nasa 63,000.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakakalungkot na nagkakatotoo na ang sinabi ng mga eksperto sa University of the Philippines tungkol sa bilang ng mga tatamaan ng impeksiyon.
“Well ngayon nagkatotoo na nga. Lumipas ang isang buwan. Nakakalungkot po iyan,” sabi ni Roque.
Matatandaan na nagbunyi si Roque noong katapusan ng Hunyo dahil hindi umabot sa 40,000 ang bilang ng mga may COVID-19 na unang hinulaan ng mga eksperto sa UP.
Base sa bagong forecast ng UP, aabot sa 80,000 hanggang 85,000 ang may COVID-19 sa katapusan ng Hulyo.
Ipinunto naman ni Roque na mismong si Prof. Ranjit Singh Rye ang nagsabi na tama ang ginagawa ng gobyerno na himukin ang lahat na tumulong upang hindi magkatotoo ang forecast ng UP.
Muling binanggit ni Roque na nakasalalay sa kamay ng mga mamamayan ang kanilang kalusugan.
Ipinaalala rin niya na dapat ipagpatuloy ang palaging paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, at dapat manatili sa mga tahanan ang mga may sakit, mga buntis at ang kabataan.
- Latest