DOH inendorso ang kaso vs Pimentel dahil sa 'pagsuway sa quarantine'

Makikitang nakasuot ng face mask si Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III (kaliwa) sa February 4, 2020 photo na ito habang nagtatalumpati naman si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire (kanan)

MANILA, Philippines — Pormal nang inendorso ng Department of Health, Biyernes, na makasuhan si Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III matapos baliin ang quarantine protocols noong pinagsususpetyahan na siyang positibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Marso kasi nang samahan ni Pimentel ang asawang buntis sa Makati Medical Center (MMC) kahit naka-10-day quarantine dahil sa mga sintomas ng COVID-19 — bagay na nakumpirma nang magpositibo siya sa nakamamatay na virus kinalaunan.

Umani ito ng matinding batikos dahil sa diumano'y pagpapahamak ni Pimentel sa kalusugan ng hospital staff at mga taong nasa MMC noong panahong iyon. Napag-alaman ding nagtungo pa siya sa isang membership shopping store sa Taguig, dahilan para mapilitang i-quarantine ang tindahan.

Basahin: S&R workers now also under quarantine because of Pimentel

"Yes, tama. Nagsubmit siya (Rico Quicho) sa amin ng complaint. We have forwarded to [National Bureau of Investigation] and [Philippine Natinal Police]," sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.

Si Quicho ang naghain ng kasong reklamong paglabag ng senador sa Republic Act 11332, o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Kung mapatutunayang nagkasala, maaaring pagmultahin nang hanggang P50,000 si Pimentel o 'di kaya'y makulong nang isa hanggang anim na buwan dahil sa kabiguan niyang ibahagi na susptected COVID-19 patient siya noon.

Pwede naman siyang pagmultahin nang mula P10,000 hanggang P50,000 at makulong nang hanggang isang taon kung mapatunayang lumabag sa enhanced community quarantine.

Una nang humingi ng tawad si Pimentel para sa nangyari, ngunit naninindigan siyang wala siyang nilabag na panuntunan.

"Nobody imposed any quarantine upon me except that to cooperate with the enhanced community quarantine," sabi niya noong Marso.

"With or without COVID I do not go around. I'm a home body. It's natural for me to just stay at home."

Kahit na una nang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na iimbestigahan nila ang kaso ni Pimentel, nabatikos noon si Justice Secretary Menardo Guevarra matapos niyang sabihin na aasikasuhin nila nang may "human compassion" ang isyu ng senador, kahit mararahas ang mga naging parusa sa mga karaniwang mamamayang lumalabag sa quarantine protocols. — James Relativo at may mga ulat mula kay News5/Shyla Franchisco

Show comments