MANILA, Philippines — Simula sa Lunes, Hulyo 20 ay istrikto nang ipatutupad ng pamahalaan ang paggamit ng motorcycle shields upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Matatandaang noong Hulyo 10 ay pinayagan na ang pag-aangkas ng mga mag-asawa sa motorsiklo ngunit dapat na may physical barriers pa rin sila upang malimitahan ang virus transmission.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, na siya ring vice chairman ng National Task Force against the pandemic (NTF), sa ngayon ay sinisita pa lamang at binabalaan ang mga magkakaangkas na wala pa ring barrier sa kanilang motorsiklo.
Gayunman, simula aniya sa Lunes ay uumpisahan na rin ng Joint Task Force (JTF)-SHIELD ang panghuhuli sa mga motorcycle riders na patuloy na lalabag at hindi pa rin gagamit ng barriers kung may angkas ito.
Sa ngayon aniya ay may dalawang motorcycle shields na aprubado na ng NTF COVID-19 kabilang ang dinisenyo ni Bohol Gov. Arthur Yap at ang iminungkahi naman ng Angkas.
Tiniyak naman ni Año na ang dalawang naturang disenyo ay pinag-aralan at kapwa ligtas na gamitin.