MANILA, Philippines — Hinamon ng isang senador si Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyang ipagbawal ang mga "political dynasties" sa bansa kung sinsero siyang durugin ang paghahari ng mga oligarko sa Pilipinas, Miyerkules.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang ipagmalaki ni Digong na nawasak na niya ang oligarkiya — isang maliit na grupo ng tao na kumokontrol sa gobyerno — kahit na hindi nagdedeklara ng batas militar.
Hindi man niya pinangalanan ang pamilya Lopez, iniisip nang marami na sila ang pinariringgan ng pangulo kasabay ng pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN. Sa kabila niyan, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na si Lucio Tan at ilang water concessionaires ang kanyang tinutukoy.
Roque says President Duterte was referring to Lucio Tan and water concessionaires when he mentioned "oligarchs" in his speech in Sulu @PhilippineStar @PhilstarNews
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) July 14, 2020
Basahin: Days after ABS-CBN shutdown, Duterte celebrates ‘dismantling the oligarchy’
Pero hindi bilib si Senate Minority Leader Franklin Drilon diyan, lalo na't kinakailangan pa diumano ng sari-saring "structural reform" para maisakatuparan 'yan.
"The lack of an anti-dynasty system or provision in our system allows oligarchy to continue," ani Drilon.
"They have made our national and local offices extensions of their household. They wield power for their own benefit. It has gone so bad that these dynasties now hold simultaneous national and local positions."
Si Drilon ang may akda ng Senate Bill 11, na naglalayong ipagbawal ang mga political dynasties — o pagkonsentra ng kapangyarihang pampulitika — sa iilang pamilya sa Pilipinas.
Itinuturing nang marami na dinastiya rin ang mismong pamilya ni Digong, lalo na't alkalde ng Davao ang anak niyang si Sara Duterte-Carpio, Davao City Rep. si Paolo Duterte at Davao City Vice Mayor naman si Baste Duterte.
Bukod pa riyan, maiigi raw na palakasin ang political party system sa bansa upang maiwasan ang pagtalon-talon ng pulitiko sa kabilang partido para sa sariling kapakanan.
Inilinaw din niyang wala sa pagiging mayaman ang pagiging oligarko, ngunit kung ginagamit daw ang kapangyarihang pampulitika para isulong ang pansariling interes na kumita.
"When you want to remove oligarchy as a power structure, then you should rise above all of these," dagdag pa niya.
Posisyon ni Duterte sa political dynasties
Malabo ang posisyon ni Duterte hinggil sa mga political dynasties sa kanyang karera bilang presidente.
Taong 2018, sinabi ni Digong na suportado niya ang pagbuwag sa mga dinastiya ngunit "hindi niya tiyak kung magugustuhan ito ng publiko."
"A few of the principled men, I would say, want this kind of thing about dynasty is abolished. I am for it," wika niya.
"Ang problema lulusot ba ‘yan?"
Banggit pa niya, matagal na niyang ayaw tumakbo noon bilang mayor ng Davao ngunit susunod lang daw siya sa kanyang partidong Hugpong ng Pagbabago na patakbuhin ang anak na si Inday Sara. Taong 1988 pa nang unang hinawakan ng pamilya Duterte ang Davao City.
Ibinasura naman ng mga mambabatas nitong Enero 2020 ang mga anti-dynasty provisions na kalakip ng panukalang charter change para amyendahan ang 1987 Constitution.
Sa kabila niyan, naniniwala si Drilon na kayang-kaya maimpluwensyahan ng tanyag na pangulo ang pagpapasa ng anti-political dynasty law sa Konggreso, lalo na't may supermajority siya rito. — James Relativo