Mga ospital nasa ‘danger zone’ na
MANILA, Philippines — Inamin ng Department of Health (DOH) at Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) na nasa ‘danger zone’ na ang kapasidad ng mga pagamutan sa bansa na laan para sa mga pasyente na dinapuan ng COVID-19.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nangangahulugan ito na nasa 70 porsyento na ang okupadong ospital at ICU beds para sa COVID patients.
Ito’y makaraang ihayag ng St. Luke’s Medical Center at Makati City Medical Center na umabot na sa 100% full capacity ang kanilang ICU kaya nakiusap sa pamilya ng mga COVID patients na huwag munang isugod sa kanila ang mga ito.
Nasa 20% capacity ng gov’t hospitals at 9% sa mga private lang ang inisyal na inilaan para sa mga pasyente ng COVID-19.
Sinabi naman ni PHAP president Dr. Rustico Jimenez na 100% ng 400 pribadong ospital sa Metro Manila ang umabot na sa ‘full capacity’ ang COVID-19 isolation beds.
Hindi naman umano kayang ibigay ng mga pribadong pagamutan ang 30% ng kanilang kapasidad dahil manganganib naman ang kanilang healthcare workers.
“Marami po yung healthworkers natin natatamaan ng COVID. Magpapahinga ng 14 days, kinukulang tayo ng healthworkers kaya di rin natin mapoprovide yung 30 percent,” ayon kay Jimenez.
Kasalukuyang inaabisuhan ang mga pasyente na may mild cases at asymptomatic na sa mga quarantine centers ng pamahalaan na magtungo para matutukan naman ng mga pribadong ospital ang pagpapagaling sa mga pasyente na may malubha o kritikal ang kalagayan.
- Latest