50%-75% sa dine-in papayagan na sa Hulyo 21

Sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na ang 30% capacity ng mga dine-in sa GCQ areas ay iaakyat sa 50% habang sa MGCQ ay iaakyat sa 75% mula sa 50% kapasidad.
Michael Varcas, file

MANILA, Philippines — Nakatakdang palawigin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kapasidad ng mga dine-in establishments tulad ng mga restoran at fastfood chains sa mga lugar na nasa general at modified general community quarantines sa Hulyo 21.

Sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na ang 30% capacity ng mga dine-in sa GCQ areas ay iaakyat sa 50% habang sa MGCQ ay iaakyat sa 75% mula sa 50% kapasidad.

Ayon sa kalihim, ang pagpapaluwag ay bahagi ng pamamaraan para sa unti-unting pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa. Ngunit kailangan pa rin umanong sumunod ng mga establisimiyento sa mahigpit na protocols para hindi kumalat ang virus.

Nanawagan din si Lopez sa mga lokal na pamahalaan na palawigin pa ang umpisa ng curfew na maaaring umpisahan ng alas-12 ng hatinggabi para mahayaan ang mga restoran na makapag-operate ng hanggang alas-10 o alas-11 ng gabi.

Ang pagpapaluwag na ito ay makaraan ang pag-amin kamakailan ng World Health Organization (WHO) na nananatili sa hangin ang virus lalo na sa mga saradong lugar.

Show comments