MANILA, Philippines — Wala pa mang kalagitnaan ng Hulyo, lubhang napakalapit na ng kumpirmadong coronavirus disease (COVID-19) sa bansa sa taya ng ilang dalubhasa na nakatakda pa sana sa katapusan ng buwan.
Ayon sa Department of Health (DOH), 57,006 na kasi ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas matapos nitong madagdagan nang 836 ngayong araw.
Una nang sinabi ng UP Octa Research na aabot sa 60,000 ang mahahawaan ng sakit sa Pilipinas sa ika-30 ng Hulyo batay sa itinatakbo ng trends.
Ilang araw nang sunod-sunod ang higit 2,000 dadagdag sa bagong kaso ng sakit sa bansa. Pangamba tuloy nang ilan, baka lumampas sa 60,000 ang cases kahit wala pang kalahati ng Hulyo.
Basahin: COVID-19 cases in Philippines projected to hit 60,000 by end-July
Nasa 65 ang namatay dahil sa COVID-19 na ngayong araw lang naibalita, dahilan para umakyat na sa 1,599 ang namamatay sa virus sa Pilipinas.
"With this addition, ang case fatality rate pa rin po natin ay 2.53%," sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang virtual briefing.
"Sa 65 na naitala na deaths, 54 or 83% po ang nangyari bago ang June. At sa siyam (14%) na deaths nitong July, anim po ang galing sa Cebu province... 2-3% happened in May."
Magaling naman na sa contagion ang 20,371, sabi pa ng DOH. Mas marami 'yan nang 4,325 kumpara sa datos kahapon — na kaninang umaga lang isinapubliko.
Ito na ang pinakamalaking pagtalon ng gumaling sa virus sa isang araw lang sa Pilipinas.
Aabot na sa 1 milyon ang nate-test para sa COVID-19 sa Pilipinas ayon kay National Action Plan Against COVID-19 Chief Implementer Vince Dizon, bagay na target ng gobyernong maabot para sa buwan ng Hulyo.
Nakatakdang maglabas ng panibagong community quarantine classifications si Pangulong Rodrigo Duterte kontra COVID-19 sa Miyerkules, pagsisiwalat ni Roque.
Kaugnay niyan, wala pa naman daw plano ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (ITAF-EID) na ilagay sa mas maluwag na modified general community quarantine (MGCQ) ang Metro Manila.
Sa ngayon, tumuntong na sa 12,552,765 ang nadadali ng nasabing sakit sa buong mundo. Sa bilang na 'yan, 561,617 na ang patay, ayon sa World Health Organization (WHO).