MANILA, Philippines — Tiniyak ng administrasyong Duterte na tatapusin nito ngayong 2020 ang P4.8-bilyong Bicol International Airport (BIA) na isa sa malalaking proyekto ng pamahalaan upang ibangon ang bansa mula sa matinding epekto ng COVID-19.
Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, ang paniniyak ay ginawa ng matataas na opisyal ng Department of Transportation (DOTr), nang inspekyunun nila ang proyekto kamakailan.
Sinabi ni Salceda na ang BIA ay bahagi ng malalaking proyekto sa ilalim ng ‘Build, Build, Build” Program ng gobyerno na inaasahang magiging mahalagang haligi ng ekonomiya ng bansa.
Isa ang ‘aviation industry’ sa mga pinalugmok ng pandemya at malaki ang maitutulong ng BIA upang ito’y makabangon. Si Salceda ang bumalangkas at masugid na nagtulak sa BIA na ayon sa DOTr ay ‘66.61 percent complete’ na.
Sinimulan noong 2005, naging masyadong mabagal ang trabaho sa BIA bagama’t bumilis ito ng kaunti noong 2009 ngunit patigil-tigil pa rin hanggang sa maupo si Pangulong Duterte.
Tiniyak din umano ng DOTr na naikasa na nila ang ‘24/7 work’ na pasisimulan agad para mapabilis at matapos ang BIA sa lalong madaling panahon.
Mga 2 milyong pasahero ang inaasahang gagamit sa BIA taun-taon at lalong pabibilisin nito ang pag-unlad hindi lamang ng Albay kundi ng buong Bikol at Timog Katagalugan.