MANILA, Philippines — Hindi maaaring tumulad ang Pilipinas sa ibang bansa na binuksan na ng todo ang ekonomiya kahit may banta pa ng COVID-19.
Sa kanyang taped public address kahapon ng madaling araw, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaila-ngang magdahan-dahan at mag-ingat sa pagbubukas ng ekonomiya.
Ayon sa Pangulo, hindi maaaring tumulad ang Pilipinas sa mga bansa ng America o Brazil.
Ipinunto rin nito na hindi mayamang bansa ang Pilipinas at hindi kakayanin ang isang total epidemic o pandemonium.
“Tayo hong pobre we cannot afford really a total epidemic or pandemonium. Mahirap tayo hindi tayo puwedeng sumugal,” sabi ni Duterte.
Hindi aniya maaring gawin ng Pilipinas ang ginawa ng Japan, Korea, China at Amerika.
“I cannot follow the example of other countries because as the experience have shown as of now, there were a lot of countries also opening up. And first was Japan, then Korea, followed by China and the United States,” anang Pangulo.
Matapos aniyang buksan ng mga nasabing bansa ang ekonomiya upang may pumasok na pera sa gobyerno, bigla namang tumaas ang kaso ng COVID-19.