MANILA, Philippines (Updated 7:16 p.m.) — Walang awat sa pagsipa ang bilang ng kumpirmadong coronavirus disease (COVID-19) infections sa bansa isang linggo bago muling palitan ni Pangulong Rodrigo ang quarantine restrictions sa iba't ibang bahagi ng bansa, Lunes.
Nasa 2,099 ang bagong naidagdag na kaso sa talaan ng Department of Health (DOH) ngayong araw, na nag-aakyat sa kabuuang bilang ng nahawaan locally sa 46,333.
Ang mga datos ay nagmula sa 1,258 "fresh" cases at 841 "late" cases, o yaong mga resultang naibahagi sa mga pasyente sa nakalipas na tatlong araw at apat na araw pataas.
Biyernes nang maidagdag sa listahan ang 1,531 kaso habang pumalo sa 1,494 ang naisama noong Sabado. Nagpatuloy ang trend na 'yan noong Linggo sa bilang na 2,434.
"Nakakakita po tayo nang pagtaas ng bilang ng mga kaso nitong nakaraang araw," sabi ni health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang virtual briefing.
"Karamihan po ng ating mga kaso ay galing sa Region IV-A, Region 7, National Capital Region at iba't ibang rehiyon sa bansa."
Narito ang itsura ng ng 31,015 aktibong kaso batay sa antas ng lala ng infection sa bansa:
- 1,845 asymptomatic (5.9)
- 28,925 mild (93.3%)
- 214 severe (0.7%)
- 31 critical (0.1%)
Biyernes nang maidagdag sa listahan ang 1,531 kaso habang pumalo sa 1,494 ang naisama noong Sabado. Nagpatuloy ang trend na 'yan noong Linggo sa bilang na 2,434.
Samantala, patay naman sa sakit ang 1,303 na kaso. Mas marami 'yan nang anim kumpara sa nai-record ng gobyerno kahapon.
Maigi naman na ang lagay ng 12,185 COVID-19 patients, matapos samahan nang 243 bagong recoveries.
Kanina lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na wala nang magagawa ang pamahalaan kundi muling buksan ang ekonomiya ng bansa, kahit sunod-sunod pagsirit ng mga numero.
"Tingin ko po, wala po talaga tayong alternatibo kundi magbukas ng ekonomiya," wika ni Roque sa isang press briefing.
"Napakita po natin kung ano na ang naging impact ng COVID-19. Kung hindi natin mabubuksan, e baka mamaya, buhay nga tayo pero mamamatay naman tayo dahil wala tayong hanapbuhay."
Sinabi 'yan ng tagapagsalita ni Duterte kahit na nagbabala siyang maaaring bumalik sa mas striktong quarantine protocols sa National Capital Region (NCR) kung masagad ang kapasidad ng mga ospital sa mga susunod na araw.
Mananatili ang Metro Manila sa maluwag na general community quarantine (GCQ) hanggang ika-15 ng Hulyo, habang pinakamahigpit naman ang lockdown sa Cebu City, kung saan may enhanced community quarantine (ECQ) matapos makapagtala ng pinakamalaking bilang ng COVID-19 infections sa kapuluan.
Sa kasalukuyan, 11.12 milyon na ang nadadali ng virus sa buong mundo. Lampas kalahating milyon naman na ang namamatay sa bilang na yan, ayon sa pagtataya ng World Health Organization (WHO).
Related video: