MANILA, Philippines — Posibleng mahigit sa limang milyong estudyante sa bansa ang hindi makakapag-aral ngayong School Year 2020-2021.
Aminado ang DepEd na dahil sa kasalukuyang krisis sa bansa ay hindi nila inaasahang makakapasok sa klase ngayong taon ang lahat ng 27 milyong mag-aaral sa public at private schools sa bansa na nagpatala noong nakalipas na pasukan.
Una nang sinabi ni Education Undersecretary Jess Mateo na ngayong taon ang projection nila ay 80% lang ng naturang 27 milyong mag-aaral ang papasok sa mga paaralan, na kung susumahin ay nasa 21.6 milyong estudyante lamang.
Kung susundan ang naturang projection ng DepEd, nangangahulugan ito na nasa 5.4 milyong kabataan ang posibleng hindi makakapag-aral ngayong taon.
Aminado rin ang opisyal na kailangan pang ipagpatuloy ang pagkumbinsi sa mga magulang na ligtas naman ang pumasok sa klase dahil wala namang face-to-face classes at mayroon din silang ipatutupad na blended learning.
Hanggang nitong Hulyo 4 ng umaga, umabot na sa 18,188,110 ang nakapagpatala kabilang dito ang 815,347 sa private at 17,352,947 estudyante sa public schools.
Muli ring tiniyak ni Briones na hindi na nila iuurong at tuloy na tuloy na ang pagbabalik sa klase ng mga bata sa public schools sa Agosto 24, sa pamamagitan ng blended learning methods.