DNA database ipinanukala ni Bato

Ayon kay Senator Bato Dela Rosa, bukod sa makatulong sa im­bestigasyon, mas bibilis ang paglutas sa isang krimen sa pamamagitan ng pagbibigay ng maasahang pamamaraan ng pagkakakilanlan ng mga suspek.
The STAR/Mong Pintolo, file

MANILA, Philippines  — Nais ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na magkaroon ng isang forensic DNA (Deoxyribonucleic acid) database sa bansa upang mas mapabilis ang pagresolba sa mga krimen.

Ayon kay Dela Rosa, bukod sa makatulong sa im­bestigasyon, mas bibilis ang paglutas sa isang krimen sa pamamagitan ng pagbibigay ng maasahang pamamaraan ng pagkakakilanlan ng mga suspek.

Sa Senate Bill No. 1577 ni Dela Rosa, sinabi nito na ang Forensic DNA Database Act ay “scientifically proven” na ang DNA technology ay mahalaga sa pagkilala ng isang tao.

“It can be used to identify criminals with scientific accuracy when biological evidence exists,” ani Dela Rosa sa panukala.

Maaari rin aniyang magagamit ang DNA analysis upang maabsuwelto ang isang suspek na posibleng napagbintangan lang.

Bukod dito, magagamit din ang DNA database sa pagtukoy sa magulang at iba pang mga nawawalang kamag-anak.

“Having a DNA database has other uses such as establishing paternity and other family relationships and the identification of disaster victims and missing persons,” ani Dela Rosa.

Kapag naging batas ang DNA Database ay isasai­lalim sa pangangalaga ng PNP at tatawaging Philippine National Forensic DNA Database.

May katapat na parusang pagkakulong ng hanggang 12 taon ang mapapatuyang nag-“tamper” ng DNA records o kaya multang hindi bababa sa P600,000.

Show comments