^

Bansa

6,002 NCR jeeps babalik bukas, malayo sa kabuuang 74,000 — PISTON

James Relativo - Philstar.com
6,002 NCR jeeps babalik bukas, malayo sa kabuuang 74,000 — PISTON
Makikitang sinisilip ng mga tsuper ng jeep ang makina ng kani-kanilang sasakyan sa litratong ito habang nakasuot ng face mask sa gitna ng COVID-19 pandemic
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Bagama't kinikilala nilang maliit na tagumpay, sinabi ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na kakarampot pa lang sa kabuuang 74,000 na traditional jeep ang papayagang magbalik-pasada habang nagpapatuloy ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

Kagabi lang nang ianunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makakababalik-pasada na ang 49 ruta ng jeep sa National Capital Region (NCR), basta't 50% lang ang ng kapasisad ang isasakay, "roadworthy" sa pamantayan ng Land Transportation Office (LTO) atbp.

Basahin: Ilang 'roadworthy' na traditional jeeps sa NCR balik-pasada sa Biyernes

May kaugnayan: Tradisyunal na jeep papasada na sa mas maraming lugar... pwera Metro Manila

Pero ayon sa grupo nina PISTON president Mody Floranda, halos 68,000 jeepney units pa rin ang hindi makababalik sa kalsada bukas — dahilan para magutom pa rin ang marami sa gitna pandemya.

"[L]ubhang napakaliit nito kumpara sa tunay na bilang ng mga jeepney sa Metro Manila. Mananatiling gutom ang maraming drayber at opereytor," ani Floranda.

"Reta-retasong ruta lamang ang ibinibigay ng LTFRB sa mga drayber at opereytor."

Sa taya ng kanilang grupo, 12 lamang sa mga ruta ang lalampas sa apat na kilometro, habang tatlo lang dito ang lampas sa siyam na kilometro.

Merong 579 ruta ng jeep ayon aniya sa datos ng LTFRB, kung saan nagtratrabaho ang nasa 150,000 tsuper at 50,000 operator.

Bagama't 74,000 ang units na binabanggit ng grupo, tinatayang nasa 55,000 lang ito, ayon sa mga naunang naibalita.

Matatandaang sinuspindi ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso ang lahat ng uri ng pampublikong transportation matapos magpataw ng mga lockdown kontra coronavirus disease (COVID-19).

Naibalik na ang limitadong biyahe ng mga tren, bus at iba pang sasakyan ngayon sa limitadong antas, pero pinagbabawalan pa rin kasi ang mga jeep sa Metro Manila.

Papasada 'baka madagdagan pa'

Sa virtual press briefing, Huwebes, sinabi ni sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra III na unang bugso pa lang 6,002 units na papayagang bumiyahe bukas.

"Eto po 'yung mga ruta na ito... ito po 'yung inisyal. Pero sasabay po tayo dito sa tinatawag nating ongoing assessment and travel demand study as move along," wika ni Delgra.

"Hindi lang ho 'yung traditional jeepney, but even all modes of public transport, hindi pa ho sila lahat nakakabiyahe sa ngayon."

 

 

Aniya, maaari pang madagdagan nang mga karagdagang ruta sa mga susunod na linggo habang tumatakbo ang pandemya, hindi lang sa Metro Manila ngunit sa buong bansa.

Paano pinili ang ruta?

Paliwanag pa ni Delgra, pinili ang 49 ruta ng jeep sa pamamagitan ng pagsusuri ng "demand" at pagtugon sa mga rutang hindi pa dinadaanan ng sasakyan gaya ng UV Express.

May kaugnayan: UV Express back; traditional jeepney routes out this week

"Because these are existing routes before, at nakita rin po natin na hindi po tinamaan [ito] ng mga ruta ng bus, ng mga UV Express, [modern] jeepney, nakita ng ating technical team na pwede itong mabuksan para sa ating traditional jeepney," ani Delgra.

Sabi ng LTFRB, ginawa ito para magkaroon ng "interconnectivity" sa mga nabanggit.

Pinapayuhan din ang mga pasahero na magbayad muna direkta sa tsuper bago sumakay upang maiwasan ang pagpapasahan ng pamasahe, para na rin makaiwas sa hawaan ng COVID-19.

Pinabulaanan din ni Delgra ang mga balita na magiging "point-to-point" ang pagbababa at pagsasakay ng pasahero gaya ng mga P2P buses.

Papayagan din muna ang pagbiyahe ng mga jeepney kahit na wala pang nado-download na "QR codes," bagay na dapat naipaskil na sa mga sasakyan pagsapit ng Lunes.

Hindi pa rin kasi gumagana ang website ng LTFRB na ibinigay ng gobyerno kung kaya't bibigyan muna ng palugit ang mga tsuper.

JEEPNEY

LTFRB

NOVEL CORONAVIRUS

PISTON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with