MANILA, Philippines (Updated, 6:03 p.m.) — Patuloy sa pagdami ang bilang ng nahahawaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas sa unang araw ng Hulyo, ayon sa bagong ulat ng Department of Health (DOH) ngayong Miyerkules.
Sa pagtataya ng gobyerno, 38,511 na ang tinatamaan ng virus sa buong Pilipinas. Mas mataas 'yan nang 999 kumpara sa datos na naitala ng DOH kahapon.
Nagmula ang mga 'yan sa 595 "fresh" cases at 404 "late" cases, o yaong mga resultang ibinahagi sa mga pasyente sa nakalipas na tatlong araw at apat na araw pataas.
Sa mga "fresh" cases, kalakhan ay nagmula sa iba't ibang rehiyon sa labas ng National capital Region at Central Visayas sa bilang na 286.
Ayon sa datos kahapon na ngayon lang isinapubliko, mayroon pang 26,015 aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. 'Yan ay binubuo ng sumusunod:
- 1,210 asymptomatic (4.7%)
- 24,638 mild (94.7%)
- 140 severe (0.5%)
- 27 critical (0.1%)
Diyan din nagmula ang kalakhan ng mga "late" cases sa bilang na 216.
Samantala, patay naman sa virus ang apat na iba pa, dahilan para umakyat sa 1,270 ang local COVID-19 death toll.
Magaling naman na sa sakit ang karagdagang 205 katao, dahilan para sumirit sa 10,438 ang kabuuang bilang ng mga gumagaling mula sa COVID-19.
Kaninang madaling araw lang nang ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatuloy ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Cebu City at general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila hanggang ika-15 ng Hulyo.
Basahin: Cebu City tuloy sa mahigpit na ECQ; GCQ ng Metro Manila 'di binawi
Matatandaang idineklara ang sari-saring lockdown at community quarantine sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas para na rin maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Sa ngayon, pumalo na sa 10.18 milyon ang nahahawaan ng nasabing sakit sa buong daigdig. Sa bilang na 'yan, 503,862 na ang patay, ayon sa World Health Organization (WHO).
Related video: