Cebu City tuloy sa mahigpit na ECQ; GCQ ng Metro Manila 'di binawi
MANILA, Philippines — Mananatili sa pinakamahigpit na enhanced community quaratine (ECQ) ang Lungsod ng Cebu hanggang ika-15 ng Hunyo bunsod ng coronavirus disease (COVID-19), ayon sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte madaling araw ng Miyerkules.
Ibinalik sa matinding lockdown ang Cebu City, na itinituring nang "epicenter" ng sakit 15 araw na ang nakalilipas matapos sumirit ang bilang ng COVID-19 cases doon na namemerwisyo ngayon sa siyudad.
"Cebu is now the hotspot of COVID-19. Why? Many of you did not follow (the rules)," sabi ni Digong.
Una nang sinabi ng mga mananaliksik mula sa Unibersidad ng Pilipinas at Unibersidad ng Santo Tomas na maaaaring umabot sa 15,000 ang kaso sa Cebu City sa pagtatapos ng Hulyo kung magpapatuloy ang ECQ sa siyudad.
Gayunpaman, inaasahang aabot ito sa 20,000 hanggang 30,000 sa katapusan ng buwan kung luluwagan ang lockdown restrictions doon.
Una nang itinalaga ni Duterte si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu para pangasiwaan ang COVID-19 response sa lungsod.
Metro Manila GCQ pa rin
Kahit 18,308 sa 37,514 ng confirmed cases ang naitala sa National Capital Region (NCR) simula nang makapasok sa Pilipinas ang COVID-19, mananatili sa mas maluwang na general community quarantine (GCQ) ang rehiyon hanggang ika-15 ng Hulyo.
Kahit na may mga paglabag sa Metro Manila, ayon kay Duterte ay may "substantial compliance" namang nangyari sa Kamaynilaan.
"There were violations but not in a scale I saw in other places," wika ng pangulo.
Samantala, ilalagay din sa GCQ ang mga sumusunod na lugar hanggang ika-15 ng Hulyo:
- Benguet
- Cavite
- Rizal
- Lapu Lapu City
- Mandaue City
- Leyte
- Ormoc
- Southern Leyte
- Talisay City (Cebu province)
- Minglanilla (Cebu province)
- Consolacion (Cebu province)
Ililipat naman sa modified GCQ, na pinakamaluwang sa lahat ng quarantine classifications, ang mga sumusunod na lugar habang nagpapatupad ng "strict local action":
- CAR: Abra, Baguio City, Ifugao, Kalinga
- Region 1: Ilocos Norte, La Union, Pangasinan
- Region 2: Cagayan, Isabela
- Region 3: Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Angeles City
- Regon 4A: Batangas, Laguna, Quezon, Lucena City
- Region 4B: Palawan, Puerto Princesa City
- Region 5: Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Naga City
- Region 6: Capiz, Iloilo, Iloilo City, Negros Occidental, Bacolod City
- Region 7: Cebu province, Bohol, Negros Oriental
- Region 8: Tacloban City, Western Samar
- Region 9: Zamboanga City, Zambonga Del Sur
- Region 10: Bukidnon, Misamis, Occidental, Misamis Oriental, Cagayan de Oro
- Region 11: Davao del Norte, Davao del Sur, Davao City, Davao de Oro
- Region 12: Cotabato, South Cotabato
- Region 13: Agusan del Norte, Butuan City
- BARMM: Lanao del Sur, Maguindanao
Patuloy namang magpapatupad ng localized community quarantines, zoning at mahiugpit na pagpapatupad ng minimum health standards sa mga nasabing lugar.
Patuloy namang ilalagay sa MGCQ ang nalalabing bahagi ng Pilipinas.
Sa ngayon, umabot na sa 1,266 ang namamatay mula sa COVID-19 sa Pilipinas. Gayunpaman, 10,233 na ang gumagaling. — James Relativo at may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico
- Latest