MANILA, Philippines — Pinaghihinahon muna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) si presidential spokesperson Harry Roque sa pagsasaya sa diumano'y hindi pag-abot ng Pilipinas sa inaasahang 40,000 positibo sa coronavirus disease (COVID-19) bago matapos ang Hunyo gayong marami pang kasong nahuhuli.
"No, Harry. We did not win squat," tugon ni BAYAN secretary general Renato Reyes Jr., Martes.
"The self-congratulations is grossly misinformed and intellectually dishonest."
Ipinangalandakan na kasi ni Roque kaninang umaga ang aniya'y pagkatalo ng gobyerno sa projected cases pagsapit ng ika-30 ng Hunyo, kahit na marami pang nagpositibo sa COVID-19 testing na muli pang kinukumpirma.
Kahit 36,438 pa lang ang confirmed COVID-19 cases sa Pilipinas ayon sa Department of Health (DOH) noong Lunes, sinabi rin ng ahensya na 46,272 na ang nagpositibo sumatutal noong ika-28 ng Hunyo.
Dahil diyan, mahigit-kumulang 10,000 nagpositibo sa COVID-19 tests pa ang kinukumpirma sa ngayon.
'Yan ay kahit na ipinagmamalaki ni Roque na 1,000 na lang ang backlog ng Pilipinas sa pagkukumpirma ng test results.
Roque: 1,000 plus na lang ang ating backlog, that means we will not hit 40,000 by the end of June. "We beat the UP prediction." @PhilippineStar @PhilstarNews
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) June 30, 2020
"Panalo na tayo. We beat the UP prediction so congratulations Philippines. Let's do it again in July. So we are winning," sabi ni Roque sa isang virtual briefing kanina.
Pero pagtataka ni Reyes, hindi nila alam kung saan hinugot ng Palasyo ang 1,000 datos sa backlogs.
"Contrary to what Roque claims, nowhere in any DOH report do we see a backlog of only 1,000. Unless the DOH has changed its definition of a backlog in validation, Roque's claims are false. He offers no proof of this '1,000 backlog,'" wika pa ng militanteng lider.
"Even assuming half of the 10,817 validation backlog are duplicates, we still end up with 40,000 confirmed cases."
Dagdag pa ng BAYAN, nananatiling "below capacity" ang arawang testing kontra COVID-19. Sa ngayon kasi, 12,306 samples pa lang ang nasusuri — bagay na malayo raw sa 51,000 daily testing capacity.
Matatandaang naglabas na uli ng panibagong prediction ang mga dalubhasa mula sa Unibersidad ng Pilipinas, at sinabing posibleng umabot ito sa 60,000 bago matapos ang Hulyo 2020. — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero at News5
Related video: