COVID-19 cases sa Pinas papalo sa 60K sa Hulyo
MANILA, Philippines — Posibleng sumampa sa 60,000 ang bilang ng may COVID-19 sa bansa pagdating ng Hulyo 31, ayon sa grupo ng mga eksperto.
Sa ginawang pag-aaral nina UP mathematics Professor Dr. Guido David, UP political science assistant Prof. Ranjit Singh Rye, Ma. Patricia Agbulos ng OCTA Research at biology Prof. Rev. Fr. Nicanor Austriaco ng Providence College at University of Santo Tomas, hindi pa bababa ang bilang ng magkakaroon ng COVID-19 sa susunod na buwan.
Inaasahan ding aabot sa 27,000 ang magkakaroon ng COVID-19 sa NCR sa Hulyo 31 habang 15,000 sa Cebu City kung saan mas mataas ang transmission rate kumpara sa ibang lugar sa bansa.
Ibinase ng grupo ang kanilang pagtaya sa kasalukuyang trend o bilang ng mga nagkakaroon ng virus.
Ipinunto rin na mapipigilan ang pagtaas ng bilang kung matutukoy kaagad kung sino ang mga may impeksiyon.
Base pa sa kanilang obserbasyon, ang bilang ng mga bagong kaso sa National Capital Region ay may average na 271 sa ilalim ng ECQ, 396 sa ilalim ng MECQ at 583 sa ilalim ng GCQ.
Samantala ang rate ng mga nagpopositibo sa nakaraang dalawang linggo ay tumataas na nagpapakita na ang pandemic ay mas kumakalat.
Dapat anilang itaas sa 20,000 ang testing capacity ng bansa at 10,000 sa NCR.
Related video:
- Latest