MANILA, Philippines — Naglulunsad na ng search and rescue operations ang Philippine Coast Guard (PCG) upang masagip ang 14 Pilipinong nawawala matapos sumalpok sa isang Chinese vessel kamakailan.
Ayon sa PCG, bandang 1 a.m. nang mabangga ng MV Vienna Wood, isang Hong Kong-flagged cargo vessel, ang FV Liberty 5 na may lulang 12 mangingisda at dalawang pasaherong Pilipino.
Sinasabing empleyado ng Irma Fishing Corp. ang dalawang pasahero.
"Initial report received by PCG - the incident was reported yesterday morning by the Captain of the cargo vessel. The cargo vessel departed Subic and on the way to Australia, and now being escorted by PCG vessel to Batangas," sabi ni Commodore Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, sa media.
Nagsimula ang paghahalughog ng mga katubigan matapos makatanggap ng "distress call" mula sa kapitan ng MV Vienna Wood noong Linggo.
Kasalukuyang nasa Mamburao, Occidental Mindoro ang PCG patrol boat na BRP Boracay para sa search and rescue operations.
Itinalaga na rin ng otoridad ang utility aircraft na BN Islander at helicopter na Airbus H145 para sa nasabing operasyon bandang 7:30 a.m. ngayong Lunes.
Magpapadala rin ng isang "multi-role response vessel" 14.57 nautical miles kanluran-timogkanluran ng Tayamaan, Mamburao, Occidental Mindoro upang tumulong sa paggagalugad.
Patungo na sana sa Navotas fishport ang mga mangingisdang Pilipino nang mangyari ang insidente matapos magmula sa Cagayan de Tawi-Tawi. Samantala, kalilisan lang ng mga banyaga pa-Australia mula sa Subic, Zambales.
Kilalang nag-aagawan ng teritoryo ang Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea.
Bagama't isang autonomous region at may saring pamamahala sa pulitika at ekonomiya, bahagi ng People's Republic of China ang Hong Kong.
'Hit-and-run uli'
Kinundena naman ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang nangyari, lalo na't wala pa rin aniyang hustisiyang nakakamit ang "Recto Bank 22" — ang mga mangingisdang napalubog at inabandona ng mga Tsino sa laot ng West Philippine Sea noong ika-9 ng Hunyo, 2019 habang nakasakay sa F/B Gem-Ver1.
Parehong buwan nangyari ang bagong insidente sa Occidental Mindoro at Recto Bank.
Basahin: Isang taon matapos ang 'Recto Bank incident,' wala pa ring napapanagot — grupo
Ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng PAMALAKAYA, dapat madaliin ang paghahanap sa mga nakasakay sa FV Liberty 5 at agarang bigyang hustisiya.
"It was a crystal clear hit-and-run, as the 14 fishing crew went missing. The Chinese personnel of the ship could have rescued the fishing vessel capsized, but they didn't. A clear indication that they intentionally withdrew after the collision," sabi ni Hicap.
"The Duterte government's continuing inaction against Chinese violation of our fishing rights encourages foreign vessels entering our waters to belittle the safety and welfare of Filipino fishers."
Umaasa ang grupo nina Hicap na mananagot sa batas ng Pilipinas ang mga dayuhan at agad na masagip ang mga biktimang Pilipino.
Dati nang minaliit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nangyaring banggan sa Recto Bank at tinawag itong "maritime accident," kapareho ng sinabi ng Chinese foreign ministry.
"Ayaw na nating maulit ang kawalang hustisiya sa ating mga mangingisda. Dapat mapanagot ang may-ari at kapitan ng barko ng China sa pagbangga at pagsagasa sa karapatan ng mga Pilipinong mangingisda sa ating sariling karagatan," sabi pa ni Hicap. — James Relativo at may mga uylat mula kay Patricia Lourdes Viray