MANILA, Philippines — Dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19, ipadadala ng Philippine National Police ang dalawang company ng Special Action Force (SAF) para tumulong sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Cebu City.
Ayon Kay PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Force Covid Shield Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, inaprubahan na ni PNP Chief PGen. Archie Gamboa ang ipadadalang 150 SAF members para mahigpit na ipatupad ang pananatili sa bahay ng mga tao at paggamit ng face masks sa mga mahahalagang lakad sa labas ng bahay.
Aniya, ang mga basic health protocols lamang ang dapat na sundin ng publiko upang maiwasan na kumalat ang virus.
Batay sa obserbasyon ng mga opisyal ng Inter Agency Task force on managing emerging infectious diseases (IATF-MEID) at National Task Force on Covid 19 (NTF-Covid-19) sa kanilang pag-inspeksyon sa Cebu na marami ang hindi sumusunod sa quarantine protocols.
Una nang nagpadala ang PNP ng karagdagang 100 pulis mula sa PRO6 at PRO 8 sa Cebu para tumulong sa local police sa pagpapatupad ng ECQ.