Kasong 'sedisyon' vs gurong nag-tweet para ipapatay si Duterte ibinasura

Kuha ni Ronnel Mas matapos siyang masakote ng mga otoridad
Released/NBI-PIO

MANILA, Philippines — Ibinasura ng isang korte sa Lungsod ng Olongapo ang kasong "inciting to sedition" laban sa public school teacher na si Ronnel Mas, na nag-alok ng P50 milyong pabuya sa sinumang makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang alok ay sinasabing idinaan ni Mas sa pamamagitan ng isang paskil sa social networking site na Twitter.

Ipinagkaloob ng Olongapo Regional Trial Court Branch 72 ang "motion to quash" kay Mas matapos makita ni Judge Richard Paradez na iligal ang ginawang pang-aaresto.

"With the quashal of the criminal information for Violation of Article 142 of the Revised Penal Code in relation to R.A. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2020), this case is now considered DISMISSED," sabi ng korte.

Nag-ugat ang lahat ng ito nang ipaskil ni Mas ang mga sumusunod na kataga sa social media: "I will give 50 million reward kiung sino makakapatay kay Duterte. #NotoABSCBNShutDown," bagay na kanyang ipinost noong ika-5 ng Mayo, 2020.

Ika-11 ng Mayo nang arestuhin si Mas ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pamamagitan ng isang "hot pursuit," ngunit napagdesisyunan ni Assistant State Prosecutor Jeanette Dacpano na "hindi saklaw ng warrantless arrest" ang nangyari.

Aniya, hindi continuing crime ang inciting to sedition kung kaya't hindi maaaring arestuhin ang teacher nang walang warrant na inilabas ng otoridad.

Bagama't sinabi ni Dacpano na depektibo ang pag-aresto kay Mas, okay lang daw ito dahil umamin siya sa media. Pero ayon sa korte, hindi balidong ebidensya ang pag-amin gayong nakuha ito habang nilalabag ang karapatan ng taong iniimbestigahan.

May kaugnayan: Prosecution: Warrantless arrest of teacher 'defective,' but confession to media 'cured' it

"Even if the confession is gospel truth, if it was made without the assistance of counsel, it is inadmissible in evidence regardless of the absence of coercion or even if it had been voluntarily given," sabi ni Paraderza.

"Considering that accused Mas had timely raised object to the legality of his arrest before arraignment, and with the findings of this court that accused Mas was indeed unlawfully arrested, this court failed to acquire jurisdiction over his person."

Nangyari ang pang-aaresto ilang araw matapos naman arestuhin sa Aklan ang manggagawang si Ronald Quiboyen, 40-anyos, matapos magpatong ng P100 milyong halaga sa ulo ni Digong sa pamamagitan ng Facebook.

Basahin: Manggagawang nag-alok ng P100-milyong pabuya para 'patayin si Duterte,' tiklo

"'yong 50milyon nyo doblihin ko gawin kung 100milyon kung sino makapatay kay duterte andito ako ngayon sa boracay," sabi ng kanyang post sa screenshot na ipinaskil ng Philippine National Police.

Agad na inilipat si Quiboyen sa Criminal Investigation and Detection Group-Aklan at Regional Anti-Cybercrime Unit 6 para mahainan ng kaso. — James Reltivo at may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag

Show comments