P1.8 bilyong fertilizer scam bubusisiin ng Kamara

Ito’y kasunod ng inihaing House Resolution (HR) 992 ng Makabayan bloc solons para magsagawa ng masusing pagsisiyasat ang Committees on Agriculture and Food at Good Government and Public Accountability sa procurement ng mga umano’y overpriced na fertilizer.
STAR/File

MANILA, Philippines — Nakatakdang imbestigahan ng Kamara ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa kontrobersyal na P1.8 bilyong fertilizer scam.

Ito’y kasunod ng inihaing House Resolution (HR) 992 ng Makabayan bloc solons para magsagawa ng masusing pagsisiyasat ang Committees on Agriculture and Food at Good Government and Public Accountability sa procurement ng mga umano’y overpriced na fertilizer.

Ang resolusyon ay base sa lumabas na ulat na kumukuwestiyon sa supply contract na pinasok ng DA sa pagbili ng mga fertilizer para sa Rice Resiliency Program na naglalayong mapataas pa ang produksyon ng palay mula 87%-93% bago magtapos ang 2020.

“The issue on the alleged overpriced fertilizer further raised suspicion because news reports stated that the winning bidder La Filipina, does not also have available stocks of urea fertilizers nor has it shown any bill of lading to prove that it had an incoming supply of urea fertilizers and yet it still bagged the contract,” ayon pa sa re­solusyon.

Ayon sa mga mambabatas, Abril 28 ay nag-imbita ang DA para sa bidding ng supply at delivery ng 5.69M bags ng urea fertilizers na may P5.69 bilyon ang halaga.

Ang DA ay nagsagawa ng bidding para sa 1.81 bags ng urea fertilizers na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon o katumbas na P1,000 kada bag ng nasabing mga pataba sa mga pananim.

Lumilitaw naman na ang kabuuang kontrata sa P1.8 bilyong mga fertilizers ay “overpriced” ng tinatayang P271.66-M base sa pahayag ng mga magsasaka sa Nueva Ecija at Tarlac na iginiit na P850 lang kada bag ang nasabing mga fertilizer.

Nabatid pa na ang presyo ng urea fertilizer  ay nagkakahalaga lamang ng P810 sa Pangasinan, P830 sa Tarlac at P840 sa Nueva Ecija kung saan kung bulto ang bibilhin ay makakakuha  pa ng diskuwentro.

Nabatid na ang DA sa ilalim ng stimulus program nitong Ahon Lahat, Pagkaing Sapat Kontra COVID-19  (ALPAS sa COVID-19) ay naglaan ng P5.69 bilyon para sa pagbili ng urea fertilizer.

Sa panig naman ni Joseph Canlas, chairman ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon, hiniling nito sa Ombudsman na imbestigasyon ang kuwestiyonableng supply contracts motu propio.

Show comments