Monopolya sa pneumonia vaccine alisin – Solon

MANILA, Philippines — Upang makasiguro na makakatipid ang gobyerno sa National Immunization Program (NIP) nito, umapela si House Committee on Health Chairman at Quezon Rep. Angelina Tan sa Department of Health (DoH) na alisin ang monopolya sa vaccine market at gawing bukas sa iba pang ma­nufacturers ang ga­gawing mga bidding.

Partikular na pina­bu­buksan ni Tan sa open bidding ang nakatakdang pagbili ng DoH ng P4.9B halaga ng pneumococcal conjugate vaccines (PCVs) na mahalagang bakuna na dapat matanggap ngayon ng mga batang Pinoy sa harap na rin ng nagsusulputang iba’t ibang uri ng coronavirus diseases.

Ang apela ni Tan ay bilang pagsuporta din sa nauna nang posis­yon ng World Health Organization (WHO) na nagsabing iwasan ang monopoly sa PCVs.

Sa 2017 findings ng WHO ay sinabi nito na kapwa epektibo laban sa pneumococcal diseases sa mga bata ang PCV10 at PCV13, ang dalawang bakuna na maaaring bilhin laban sa pneumonia.

Sa report ng Health Technology Assessment Council (HTAC) na kanilang isinumite sa DoH ay kinumpirma din nito ang findings ng WHO at kapwa sinuportahan ang PCV10 at PCV13 vaccine na siyang maaaring bilhin ng gobyerno.

Nanindigan naman si Dr. Lulu Bravo ng Phi­lippine Vaccine Association na ang posisyon ng WHO ang dapat na gawing gabay sa pagbili ng pneumococcal vaccine lalo at sinabi nito na kapwa PCV13 at PCV10 ay parehong epek­tibo na nangangahulugan na hindi lamang limitahan ng DOH ang procurement sa iisang uri ng pneumonia vaccine. 

Show comments