Tradisyunal na jeep, UV Express planong ibalik sa NCR sa katapusan ng Hunyo
MANILA, Philippines — Posibleng makabalik-pasada sa National Capital Region (NCR) ang mga "hari ng kalsada" bago matapos ang buwan sa pagluwag ng mga lockdown kontra coronavirus disease (COVID-19), pagbabahagi ng Department of Transportation (DOTr), Lunes.
Ito ang sinabi ni Ben Suansing, senior transport consultant ng DOTr, sa CNN Philippines ngayong ika-22 araw ng general community quarantine (GCQ) sa Kamaynilaan.
"Guidelines for UV Express and traditional jeepneys operations are being finalized," wika ni Suansing.
"Target is before the end of the month, mag-uumpisa na sila magpasada."
Tatlong buwan nang umaaray sa gutom at kawalan ng kita ang mga tsuper simula nang magkaroon ng comunity quarantine at enhanced community quarantine (ECQ) sa bansa noong Marso, dahilan para umasa ang marami sa ayuda, maghanap ng ibang trabaho, o mamalimos na lamang.
Ilang jeepney groups na ang nananawagang makabalik sa kalsada dahil dito, bagay na ikinaaresto ng ilan kaugnay ng protesta sa Lungsod ng Caloocan.
Bagama't pinalaya na sa piyansa ang anim na miyembro ng PISTON, dalawa sa kanila ang nagpositibo sa COVID-19. Hindi pa naman klaro kung nakuha nila ito habang nakakulong sa siksikang presuhan.
Basahin: 2 sa inarestong 'Piston 6' nagpositibo sa COVID-19 — Caloocan congressman
Una nang sinabi ng Palasyo na tinitignan nila kung maaaring italaga bilang contact-tracers ng COVID-19 positive patients ang mga tsuper, kahit na dapat nag-aral ng medical-related course o criminology ang mga nabanggit sa pamantayan ng Department of the Interior and Local Government.
Matatandaang nakipag-ugnayan ang Lungsod ng Quezon sa delivery courier service na Lalamove kamakailan para pansamantalang mabigyan ng kabuhayan ang mga jeepney drivers ngayong 'di pa rin sila makabiyahe, ayon sa ulat ng Top Gear Philippines.
Kasama rin sa tinitignang ibalik ang mga airconditioned UV Express services bago magtapos ang buwan.
Modern e-jeeps gumugulong na
Samantala, nasa 318 "modernong jeepneys" ang magbabalik sa mga kalsada ngayong araw sa 15 ruta sa Metro Manila.
Narito ang mga sumusunod:
- Novaliches – Malinta via Paso de Blas
- Bagumbayan Taguig – Pasig via San Joaquin
- Fort Bonifacio Gate 3 – Guadalupe-Market Market-ABC Loop Service
- Pandacan – Leon Guinto
- Quezon Avenue – LRT 5th Avenue Station
- Cubao (Diamond) – Roces Super Palengke
- EDSA Buendia-Mandaluyong City Hall via Jupiter, Rockwell
- Divisoria-Gasak via H. Lopez
- Punta-Quiapo via Sta. Ana
- Boni Pinatubo – Stop and Shop, vice versa
- Boni Robinson’s Complex-Kalentong/JRC vice versa
- Nichols-Vito Cruz
- Filinvest City Loop
- Alabang Town Center (ATC)-Ayala Alabang Village
- Vito Cruz Taft Avenue-PITX Loop Service
Siyam na ruta pa ang planong buksan pagsapit ng ika-24 ng Hunyo sa darating na Miyerkules.
Gayunpaman, pwede lang itong magsakay nang 20% hanggang 50% ng kapasidad nito upang mapanatili ang physical distancing sa pagitan ng mga pasahero. Markado sa mga upuan kung saan lamang pwedeng pumwesto ang mga mananakay.
Nasa P11 pa rin ang minimum na pasahe para sa mga airconditioned at 'di airconditioned na sasakyan para sa unang apat na kilometro. P1.80 ang dagdag sa pasahe para sa mga susunod na kilometro para sa mga de-erkon habang P1.50 naman sa mga regular.
Pagbabawalan din ang mga pasahero na tatayo sa loob ng mga nasabing sasakyan. Dapat ay magbigay ng "cashless fare payment system" ang mga nasabing sasakyan gaya ng GCash, Paymaya, at Squidpay lalo na kung wala silang makina para sa beep cards.
Pinalalagyan din ng GNSS (global navigation satellite system) o GPS (global positioning system) ang mga nasabing sasakyan para mas mapadali ang contact tracing.
Linggo nang sabihin ng economic think tank na IBON Foundation na mas ligtas ang mga tradisyunal na jeep kumpara sa mga sarado't de-erkon na electronic jeepneys.
"With COVID-19 still spreading, traditional jeepneys have the advantage of being open-air, dissipating droplets with the virus faster, and lowering the risk of transmission," wika ng IBON.
"Yet the government’s narrow-minded focus on corporate-driven jeepney modernization threatens to forego this important built-in advantage in the mass transport system."
Una nang nag-abiso ang European Centre for Disease Prevention and Control at Centers for Disease Control and Prevention na bigyan ng "tamang ventilation" ang mga public transportation sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga bintana at pagpapapasok ng sariwang hangin.
- Latest