Sharon Cuneta nagpasaklolo sa DOJ
Sa nagbanta ng rape sa anak
MANILA, Philippines — Aaksyon na rin ang Department of Justice (DOJ) para matukoy at makilala ang lalaking nagbanta na manggagahasa umano kay Frankie Pangilinan, anak nina Sen.Francis Pangilinan at aktres na si Sharon Cuneta.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nakipag-ugnayan na sa kanya si Cuneta na desidido umano na magsampa ng kasong kriminal laban sa isang Sonny Alcos.
Ngunit kailangan umano na matukoy muna ang totoong pagkakakilanlan ng suspek at ang kanyang lokasyon bago maisampa ang reklamo laban sa kaniya.
“It appears that Sharon, through her own efforts, has identified the person concerned, including his location and the name and address of his employer,” ayon kay Guevarra.
Sa post ni Sonny Alcos, sinabi niya na: “Pasalamat ka iha, kung ang edad ko 12 yrs. magtago ka na sa tatay mong Senador Kiko Matsing Pangilinan dahil hahanapin kita para gahasain. Tapos sisihin mo tatay mo. Dahil hindi ako makukulong.”
Nang makarating kay Cuneta, nag-post din siya sa kanyang Twitter account at nangako na hahanapin si Alcos para panagutin. Tinawag din niya si Alcos na isang duwag.
Nabatid na nag-disable na ng kanyang Facebook account si Alcos matapos na kumalat ang kanyang litrato at gamitin ng iba’t ibang social media pages.
Naging kontrobersyal si Frankie Pangilinan sa pagkastigo niya sa kultura ng panggagahasa kung saan isinisisi sa uri ng pananamit ng mga babae ang mga nagaganap na pag-abuso.
- Latest