Angkas nais pumasada uli; 'New normal' design vs COVID-19 ipinasilip

Kita sa larawan ang mungkahing "shield" na ilalagay sa likod ng mga Angkas riders, na idi-disinfect kada biyahe at magsisilbing hawakan para walang direct contact ang pasaheo sa nagmamaneho
Video grab mula sa livestream ng "Samahang Plaridel" Facebook group

MANILA, Philippines — Ipinasilip ng motorcycle taxi service na Angkas, Biyernes, ang mungkahi nilang modipikasyon sa kani-kanilang mga units, sa pag-asang makakapag-operate uli sa panahon ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Bawal pa rin kasi mag-"backride" sa motor dahil sa banta ng hawaan. Pero ayon kay George Royeca, chief transport advocate ng Angkas, makatutulong ito para maiwasan ang hawaan habang kumikita ang riders.

Ito ang kanilang ipinakita sa reporters sa isinagawang Zoom conference ng Samang Plaridel kanina,  na dinaluhan din ng mga transport advocates.

"This is basically a protective shield... may flaps po siya sa side [para] aerodynamic. Plastic po ito ano, so it's very firm and study and also malleable," paliwanag ni Royeca, na katuwang ni Angkas founder at chief executive officer Angeline Tham.

"Apart from it stopping the transmission, or reducing the transmission of the virus [kapag umuubo o bumabahing], ang importante po is hindi rin ito maging sagabal mismong pagmomotor."

Ilang buwan na rin kasing hinihiling ng mga mananakay pagpapahintulot sa pag-angkas sa motorsiklo, sa dahilang limitado ang pampublikong transportasyon ngayong general community quarantine (GCQ). Ilang local government units (LGUs) na ang nakiusap na maibalik ito, gaya nina Cavite Gov. Jonvic Remulla at ilang alkalde sa probinsya ng Cebu.

Gaya ng pag-angkas sa motor, "banned" pa rin sa pamamasada ang mura masasakyan gaya ng jeep.

'Hindi takaw disgrasya'

Pagtitiyak ni Royeca, kahit pa masangkot sa disgrasya o tumilapon ang pasahero't rider ay hindi magiging dagdag peligro ang panibagong safety mechanism.

Ipinagmamalaki ng kumpanya ang kanilang 99.997% safety record, kung saan .003% lang daw ang "accident rate."

Makikita sa mga larawan na hindi direktang hahawak sa rider ang pasahero kung siya'y aangkas. Transparent din ang shield sa eye-level ng pasahero, para na rin nakikita nang maayos ang kalsada.

"Since we're trying to [practice] social distancing, doon mismo sa shield [ang hawakan, hindi sa baywang]," sabi pa ni Royeca.

"Kasama rin po rito 'yung regular disinfection ng shield. Kailangan po 'yan every ride ma-disinfect, so kailangan madali po siyang tanggalin at ibalik." 

Kakailanganin din daw na magdala ng sariling helmet, para na rin maiwasan ang hawaan ng COVID-19. Madalas kasing napapawisan ang helmet ng motorsiklo sa tuwing ginagamit sa maiinit na kalsada ng Pilipinas.

Ilan pa sa kanilang mungkahi ay ang "private shuttle service," kung saan kinakailangang magrehistro muna sa app para sa mas madaling contact tracing.

Susunod pa rin naman daw sa 60 kilometer/hour na speed limiot ang mga tsuper ng motor, para hindi maging salik ang "wind resistance" sa pananggalang.

Motorcycle taxis, gawing ligal na kaya ng Konggreso?

Sa ngayon, hinihintay pa ng Department of Transporation (DOTr) ang desisyon ng Konggreso pagdating sa pag-arangkada ng motorcycle taxis kahit na may proposed shield na.

"The pilot study (trial period) of motorcycle taxis had already expired last April," sabi ng DOTr sa isang pahayag.

"Technically, there is nothing to resume in the meantime, unlease a new law is passed legalizing their operations as a public transport moder."

Enero 2020 nang pahintulutan ng technical working group (TWG) ng DOTr ang pansamantalang pagseserbisyo ng 45,000 motorcycle taxis sa Luzon, 9,000 sa Visayas at 9,000 sa Mindanao bilang tugon sa lumalalang problema ng bansa sa transportasyon.

Ang resulta sa pilot test na ito, na nilahukan ng Angkas, JoyRide at Move it, ang gagamitin ng Konggreso upang makapagbalangkas ng panukalang batas na tuluyang magsasaligal ng motorcycle taxis.

Iligal pa rin kasi ito sa ilalim ng Republic Act 4136, o Land Transportation and Traffic Code, gayon na rin ang mga clandestine na serbisyong motorsiklo gaya ng mga "habal-habal."

May kaugnayan: ‘May habol ka ba sa habal?’: Kaligtasan ng pasahero sa 2 gulong 

Bago pa man ang COVID-19, pinapalagan na ng ilang personalidad at grupo ang pagpapahintulot sa mga serbisyo gaya ng Angkas dahil sa ibinubukas nito ang pasahero sa peligro.

Ayon sa World Health Organization noong 2018, lagpas sa sa kalahati ng lahat ng road traffic deaths ay nagmumula sa mga "vulnerable road users," gaya ng pedestrians, cyclists at motorcyclists.

Sa Pilipinas,. ika-9 na leading cause of death na ang motorcycle crashes, ayon sa ulat ng Land Transportation Office sa Kamara noong 2019. 

Sabi pa ng WHO noong 2015, papatak sa 53% ang naiulat na road traffic fatalities kaugnay ng mga sasakyang dalawa o tatlo lang ang gulong.  — may mga ulat mula kay BusinessWorld/Adam Ang at ONE News

Show comments