MANILA, Philippines (Update 1, 11:25 a.m.) — Nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang dalawa sa militanteng jeepney drivers na na inaresto ng pulis dahil diumano sa "pagsuway sa pulis," ulat ni Caloocan Rep. Edgar Erice, Huwebes.
Matatandaang ikinalaboso ang anim matapos magprotesta para payagang makapanumbalik sa pamamasada ang mga jeep ngayong general community quarantine (GCQ) na sa Metro Manila. Wala kasing mapagkakitaan ang mga tsuper simula ng lockdown.
Sa panayam ng PSN kay Piston president Mody Floranda, sinabi niyang 'di pa nila nahahawakan ang resultang binabanggit ni Erice.
"Inaantay pa po namin 'yung resulta ng kanilang testing. Wala pa po kami hawak na resulta," wika ng Piston leader. "Kapag dumating po ay ipapaabot namin sa inyo."
Basahin: 4 sa 6 na Piston members na kulong sa 'anti-jeep ban' protest laya sa piyansa
Hindi isinapubliko ng report ng STAR kung sino ang dalawang jeepney driver na positibo. Gayunpaman, negatibo sa COVID-19 si Elmer Cordero, na 72-anyos nang arestuhin.
Kasamang nakulong ni Cordero sina Wilson Ramilla, Ramon Paloma, Severino Ramos atbp.
May kaugnayan: Tatay Elmer, Wilson of 'Piston 6' walk free after week in detention
Ayon sa mga pag-aaral, mas peligroso ang COVID-19 para sa mga may edad na.
Two of the Piston 6 jeepney drivers, who had been detained at the Caloocan custodial facility for allegedly disobeying police during a rally, have tested positive for COVID-19, Caloocan Rep. Edgar Erice said @PhilstarNews
— Marc Jayson Cayabyab (@mjaysoncayabyab) June 18, 2020
Nananawagan ngayon si Erice na Caloocan police na i-disinfect ang custodial center kung saan ipiniit ang mga tsuper, at hinimok ang mga otoridad na i-test para sa nakamamatay na virus ang mga preso.
Sa ngayon, itinatanggi naman ng hepe ng Caloocan Police na si Col. Dario Menor na nakuha ng mga positive patients ang COVID-19 sa siksikang kulungan.
'Di tulad ng mga ibang pampublikong transportatsyon, "banned" pa rin pumasada ang mga jeepney sa gitna ng pandemic, dahilan para mamalimos na ang ilang driver para umagapay sa araw-araw.
Record-high din ang kawalang trabaho nitong Abril 2020 sa gitna ng mga lockdown, matapos nitong pumalo sa 17.17%, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), na katumbas ng 7.3 milyong Pinoy. — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Marc Jayson Cayabyab