Duque, DOH officials, iimbestigahan ng Ombudsman
‘Anomalya’ sa COVID-19 response
MANILA, Philippines — Iimbestigahan ng Ombudsman si Health Sec. Francisco Duque III at iba pang opisyal ng Department of Health (DOH) hinggil sa umano’y iregularidad sa pagresponde sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na dalawang investigating teams ang tututok sa umano’y mga ano-malya kabilang dito ang 100,000 test kits, delayed procurement ng Physical Protective Equipment (PPE), at iba pang medical gears na kailangan para sa proteksyon ng mga healthcare workers laban sa nakamamatay na sakit.
Bubusisiin din ang umano’y lapses na nagresulta sa pagkamatay ng mga medical workers at sa patuloy na pagsirit ng numero ng mga namamatay at nahahawa na medical frontliners.
Kasama rin sa imbestigasyon ang hindi agad pagbibigay ng benefits at financial assistance ng mga nasawi at infected medical frontliners.
Ipinasisilip din ang nakakalito at delayed reporting ng COVID-19 related deaths at confirmed cases.
Bago ang lockdown noong Marso 15, sinabi ni Martires na nagsimula na ang kanilang tanggapan na mag-imbestiga sa ilang reklamo sa DOH subalit hindi aniya nakikipagtulungan ang mga opisyal at kawani ng DOH.
Inatasan ni Martires ang investigating team na agad kasuhan ng kriminal at administratibo ang alinmang opisyal at empleyado ng DOH na tatanggi na makiisa sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng anomalya.
Samantala, hinikayat naman ng Malacañang si Duque at mga opisyal ng DOH na makipag-tulungan sa imbestigasyon at irespeto ang kautusan ng Ombudsman.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, isang independent na constitutional body ang Ombudsman kaya hahayaan nila ang pag-usad ng imbestigasyon. Malou Escudero
- Latest