QUEZON CITY , Philippines — Nasa 1,369 na ng kabuuang 2,673 pasyente ng COVD-19 sa Quezon City ang nakarekober o gumaling na sa karamdaman, o mahigit sa doble pa sa naitalang nationwide recovery sa sakit.
Sa datos ng Department of Health (DOH), na may petsang Hunyo 15, 2020, lumilitaw na sa 26,420 COVID-19 cases sa buong bansa ay 6,252 pasyente pa lamang ang nakarekober.
Sa naturang datos, ang QC ang nakapagtala ng pinakamataas na recovery rate na nasa 51% habang ang nationwide recovery ay naitala lamang sa 24%.
Bagamat ang QC ang may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, ito rin ang mayroong highest recovery rate.
Base sa https://covid19stats.ph, lumilitaw na ang QC ay pang-walo lang sa may pinakamaraming bilang ng sakit kung ang pagbabasehan ay ang ‘COVID-19 cases versus population’.
Ang QC kasi ay mayroong 2.9M residente, o may 924.4 cases per million lamang.
Nangunguna pa rin ang Cebu na may 3,045.7 cases per million, kasunod ang San Juan (2,578.8); Mandaluyong (1,791.5); Makati (1,361.1); Pasay (1,150.0); Parañaque (1,052.8) at Maynila (960.6).
Bukod sa populasyon nito, na pinakamalaki sa buong bansa, ang maraming bilang ng health facilities na matatagpuan sa QC na may COVID-19 patients ay nakapag-contribute rin sa mataas na kaso ng sakit sa lungsod. Ilan sa mga naturang pasyente na nasa mga pagamutan sa QC ay hindi rin residente ng lungsod.
Karamihan din sa mga health workers na dinapuan ng sakit at nagtatrabaho sa mga naturang pasilidad, ay nakatira sa QC at karaniwan itong nagreresulta sa pagkakaroon ng positive cases sa kanilang mga tahanan, na nakapag-contribute ng nasa 25% ng mga kaso ng lungsod.