Dagdag benepisyo sa 14 milyong solo parents, giit ni Sen. Go

MANILA, Philippines — Umapela si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na ipasa na ang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang benepisyo sa pribilehiyo sa 14 milyong solo parents sa bansa.

Ayon kay Go, malaking tulong ang panukala sa mga single parents na patuloy na nagtataguyod sa kanilang mga anak lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic dahil marami ang nawalan ng trabaho.

Giit ng Senador, isa sa mga vulnerable sectors ng lipunan ang mga solo parents  kaya dapat din silang bigyan ng sapat na proteksyon.Noong Hulyo ng nakaraang taon ay inihain ni Go ang Senate Bill No. 206 na layong maamyendahan ang Solo Parents’ Welfare Act of 2000 lalo’t hindi na sumasapat ang mga natatanggap na benepisyo ng single parents na kapwa breadwinner at caregiver ng kanyang pamilya. Bukod sa SB No. 206 ni Go, naghain din ng kaparehong panukala sa Senado sina Senate President Vicente Sotto III, Senators Richard Gordon, Risa Hontiveros, Juan Miguel Zubiri, Ramon Revilla, Jr. at Imee Marcos na consolidated sa SB No. 1411.  

“I am pushing for these amendments to the existing law to cater to as many solo parents as possible, to help them build a stronger family despite their situation, and to support them as productive members of society,” sabi ni Go. Ayon sa World Health Organization-funded study ng Department of Health at ng UP-National Institutes of Health, mayroong 14 million solo parents sa bansa, 95 porsiyento ay babae. Sa hiwalay na pag-aaral naman ng state think tank na Philippine Institute for Development Studies, lumabas na walo sa bawat 20 babae ay nasa “vulnerable employment”.

 

 

Show comments