MANILA, Philippines — Inirerekomenda na ni chief presidential legal counsel Salvador Panelo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pormal na paglagda sa kontrobersyal na anti-terrorism bill, bagay na pinapalagan ngayon nang laksa-laksa.
Dumating na kasi sa Malacañang ang panukala, matapos ipasa ng Kamara at Senado sa ikatlo at huling pagbasa. Pirma na lang ang kulang bago ito maging batas.
"Ang mga kinatatakutan ng ilang sektor [sa anti-terror bill] ay mas haka-haka kaysa totoo," sabi ni Panelo sa Inggles, Biyernes, habang idinidiing walang mali sa mga probisyon nito.
"Kaya pinakikiusapan namin silang pag-aralan nang maigi ang mga probisyon at pag-usapan ito kasama ang mga legal experts para maintindihan nang husto ang bill."
Nirekomenda ng Office of the Chief Presidential Legal Counsel kay Pres. Duterte na pirmahan ang Anti-Terrorism Bill. Sa kanilang review, wala raw silang nakitang mali sa mga probisyon ng nasabing panukala. pic.twitter.com/ysLyAQMcna
— News5 AKSYON (@News5AKSYON) June 12, 2020
Una nang sinabi ng mga legal experts mula sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) na labag sa Saligang Batas ang ilang probisyon ang panukala. Pinapalagan din ito ng National Union of People's Lawyers (NUPL) at Concerned Lawyers for Civil Liberties (CLCL), sa dahilang tatargetin din daw nito hindi lang ang mga terorista ngunit pati ang mga aktibista.
Kanina lang nang maglunsad nang malawakang "mañanita" protest ang mga kritiko ng panukala sa UP Diliman, sa kabila ng pagbabawal ng gobyerno.
Basahin: Ano ang 'Anti-Terror Bill' at bakit may mga tutol dito?
"Inuulit namin na ang legislation nito ay para lang sa mga terorista (at hindi mga mamamayan na mapayapang bumabanat sa polisiya ng gobyerno," dagdag ni Panelo.
Bagama't sinasabi ng Section 4 ng panukala na hindi terorismo ang pagproprotesta, hinihingi nito na "hindi makakapanakit" at "hindi lilikha ng panganib sa public safety" ang mga ito — bagay na malabo para sa ilan, lalo na't nagiging marahas ang protesta kapag dini-disperse ng pulis.
Kwestyon sa constitutionality
Pero sabi ni IBP president Domingo Egon Cayosa, "pinaka-unconstitutional" daw rito ang kapangyarihang igagawad sa Anti-Terrorism Council (ATC). Sa ilalim ng panukala, diretsahang pwedeng ituring na terorista ng ATC ang sinumang indibidwal at organisasyon, kahit hindi dumadaan sa korte.
"Ang tanong, pwede bang gumawa ang Konggreso ng bagong ahensya na hindi korte, hindi parte ng judiciary, tapos bigyan ito ng Judicial power?" banggit ng IBP president.
Patuloy ni Cayosa, na pinuno ng pambansang organisasyon ng mga abogado, oras na tawagin kang terorista ay may karapatan nang mang-aresto at maniktik ang otoridad. Pwede na ring ikulong ang sinuman hanggang 24 araw nang walang reklamo sa korte at i-freeze ang kanilang assets.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, kahit suspindihin ang writ of habeas corpus ay dapat nang ma-charge sa korte sa loobn nang tatlong araw kung inirereklamo.
Tugon ng Palasyo, malaya naman ang mga grupong kwestyonin ang constitutionality ng bill hanggang sa Korte Suprema.
"Kung may probisyon na labag sa konstitusyon, idedeklara 'yang unconstitutional," ani presidential spokesperson Harry Roque. — may mga ulat mula sa News5