Misting at spraying ng disinfectant, bawal pa rin
MANILA, Philippines — Bawal pa rin ang misting at spraying ng disinfectant sa mga tao, kasunod na rin ito nang pagkamatay ni Police doctor Casey Gutierrez na nakalanghap diumano ng disinfectant sa isang quarantine facility sa Pasig City, ayon sa Department of the Interior and Local Government.
Kaugnay nito, nagpahayag ng kalungkutan si DILG Secretary Eduardo M. Año sa nangyari kay Gutierrez, at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng 31-anyos na doktor kasabay ng utos sa PNP na imbestigahang mabuti ang insidente at siguruhing mananagot ang dapat managot.
Muli rin niyang ipinarating sa mga local government units at attached agencies ng DILG, kasama na ang Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection, ang panganib na idinudulot ng ganitong mga kemikal sa kalusugan ng tao.
Alinsunod sa DOH memorandum, hindi pa napapatunayan na ang malawakang fogging, misting at spraying ay pumapatay sa virus.
Una nang pinayuhan ng Kalihim ang mga LGU na ipagbawal ang pagtatayo ng mga disinfection tents, misting chambers o sanitation booths lalo na kung hindi nakasuot ng personal protective equipment ang mga papasok sa mga ito.
Nakasaad sa advisory na ang mga kemikal tulad ng hypochlorite ay sanhi ng pangangati ng balat at mucous membrane (sa mata, ilong at lalamunan) at maaaring makasama kapag nalanghap. Limitado rin daw ang mga pag-aaral na nagpapatunay na epektibo ang mga chemical disinfectant.
- Latest