DepEd nanindigan: No vaccine, no face-to-face classes
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Education Secretary Leonor Briones na walang magaganap na face-to-face na klase kapag nagsimula na ang pasukan dahil na rin sa banta ng COVID-19.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Briones na ang magaganap ay “blended learning” na sa tingin nila ay mas magugustuhan ng mga estudyante.
Nauna rito, sinabi ni Briones na susunod sila sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayaw nitong magbukas ang klase hangga’t walang vaccine laban sa COVID-19.
Pinasalamatan din ni Briones ang Pangulo dahil sa pangako nito na gagawin ang lahat para suportahan ang alternatibong pamamaraan ng pagtuturo sa mga bata.
Ipinahiwatig ni Briones na mas pabor siya sa paggamit ng radyo lalo pa’t lumabas sa kanilang survey na mas maraming eskuwelahan ang may mga sariling radio stations bagaman at limitado lamang ang abot ng signal.
Marami rin aniyang malalaking munisipalidad ang may sariling istasyon ng TV at radyo at marami sa pribadong sektor ang nag-aalok ng tulong.
Sa isang briefing naman sa Malacañang, sinabi ng kalihim na hihingi pa rin siya ng permiso kay Pang. Duterte para payagan ang ‘face-to-face classes’ sa mga lugar na wala namang COVID-19 cases.
Paglilinaw naman niya, papayagan lamang ang mga paaralan na magdaos ng “in-person classes” kung makakatalima sila sa minimum health standards.
Siniguro rin niya na patuloy ang ginagawang paghahanda ng DepEd para sa implementasyon ng blended learning. Mer Layson
Related video:
- Latest