4 sa 6 na Piston members na kulong sa 'anti-jeep ban' protest laya sa piyansa

Litrato ng mga tusper ng PISTON na inaresto kaugnay ng isang kilos-protesta sa Lungsod ng Caloocan
The STAR/ Marc Jayson Cayabyab

MANILA, Philippines — Pansamantalang nakalaya ang apat na miyembro ng grupong Piston na inaresto dahil sa kanilang protesta para makapanumbalik sa pamamasada ngayong general community quarantine (GCQ) na sa Metro Manila.

Nakapaghain na kasi sila ng piyansa para sa kanilang "disobedience" case sa Caloocan Metropolitan Trial Court (MTC), ngunit hindi sila kumpletong makalalabas ng tinaguriang "Piston 6."

Mananatili kasing nakakulong ang dalawa pa nilang miyembro matapos magkaroon ng "police hit."

Sa ulat ng The STAR, sinabing mananatili pa nang isang araw sa piitan si Elmer Cordero, 72-anyos at pinakamatanda sa anim, matapos mapag-alamang may kapangalan siyang sangkot sa kasong estafa.

Itinatanggi naman ni Cordero na nagkaroon na siya nang kaso: "Anim na araw po kaming ikinulong at pinaikot-ikot nang walang malinaw na kaso. Wala po kaming kasalanan!" sabi ni Cordero, na pinakamatanda sa mga hinuli.

Samantala, nagkaroon din ng police hit ang isa pa nilang miyembro na si Wilson Ramilla kaugnay ng kasong carnapping.

"Makatwiran pong humiling ng ayuda at magbalik- pasada," wika ni Ramilla sa isang pahayag.

Ika-3 ng Hunyo nang sumailalim sa e-inquest ang anim na tsuper kaugnay ng isinagawang kilos protesta sa Caloocan.

Pinagbabawalan pa rin kasing pumasada ang mga jeepney ngayong nasa mas maluwag na GCQ na ang Kamaynilaan. Marso pa kasi nang suspendihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbiyahe ng mga jeep bilang pag-iingat sa coronavirus disease (COVID-19), dahilan para wala silang kitaing pera nang ilang buwan.

Ngayon-ngayon pa lang din nakababalik sa biyahe ang iba pang uri ng public transportation gaya ng mga bus, tren, tricycle, TNVS at mga taxi.

'Salamat sa suporta'

Samantala, nagpasalamat naman ang mga napalayang tsuper dahil sa suportang natanggap ng 'Piston 6' habang sila'y nakadetine sa karsel.

"Mabuti na lamang at dumating ang tulong mula sa iba’t ibang organisasyon at indibidwal, hindi lang para sa amin na nasa kulungan kundi para rin sa mga pamilyang naiwan sa bahay," sabi naman ni Ramon Paloma.

Ayon naman kay Severino Ramos, "nakakataba nang puso" ang tulong na kanilang natanggap, habang damang-dama nilang nagdadamayan ang mga manggagawa.

Sabi naman ni Ruben "Bong" Baylon, deputy secretary general ng Piston, tuloy ang kanilang laban para sa "kabuhayan, kalusugan at karapatan" sa kabila ng kanilang sinasabi.

Makikita niyo ang Piston 6 sa mga susunod na pagkilos para sa kapakanan ng mga drayber at ng mamamayan. SASAMA KAMI SA June 12 [protest]," saad ni Baylon.

'Yan ang sinabi ng grupo kahit ipinagbabawal pa rin sa maraming lugar sa bansa ang mga "mass gatherings," kaugnay na rin ng ipinatutupad na community quarantine ng gobyerno. — may mga ulat mula kay Marc Jayson Cayabyab

Related video:

Show comments