^

Bansa

'Record-high': 17.7% kawalang trabaho naitala nitong Abril kasabay ng COVID-19

James Relativo - Philstar.com
'Record-high': 17.7% kawalang trabaho naitala nitong Abril kasabay ng COVID-19
Pila ng ilan sa 3818 benepisyaryo ng of Social Amelioration Program (SAP) sa baranggay Pasong Tamo sa Lungsod ng Quezon City, ika-4 ng Mayo, 2020
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Sumipa sa 17.7% ang tantos ng mga Pilipinong nasa labor force ngunit walang trabaho sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic — ang pinakamataas na maaaring ikumpara sa kasaysayan — ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Katumbas ng porsyentong 'yan ang 7.3 milyong Pilipinong walang trabaho noong Abril 2020. Sa loob ng isang taon, 5 milyon ang itinaas nito mula sa 2.3 milyon noong Abril 2019.

Ito na ang pinakamataas na unemployment rate simula nang magpalit ng methodology ang gobyerno noong Abril 2005.

"This is a record high in the unemployment rate reflecting the effects of the economic shutdown to the Philippine labor market, due to COVID 19," paliwanag ng PSA, Biyernes.

Dahil sa COVID-19, maraming negosyo ang napilitang hindi mag-operate upang makaiwas sa hawaan simula nang ipatupad ang lockdown.

Bilang epekto, bumaba ang bilang ng employed sa lahat ng sektor kumpara noong nakaraang taaon, ayon kay PSA chief Dennis Mapa. Bukod pa riyan, lahat ng rehiyon sa Pilipinas ay nagtala ng double-digit unemployment rate.

Pinakamalala ang kawalan ng trabaho sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa 29.8%, habang pinakamababa ito sa Northern Mindanao sa 11.1%.

Pinakamababang paglahok sa trabaho

Sa 73.7 milyong Pilipino edad 15-anyos pataas, 41 milyon ang sinasabing parte ng labor force sa parehong panahon.

"Labor force participation rate among Filipinos 15 years and older  is estimated at 55.6% in April 2020, the lowest in the history of Philippine labor market," dagdag ng PSA.

Sa lahat ng rehiyon, pinakamalaki ang porsyento ng labor force na nagtratrabaho sa Northern Mindanao sa 62.8% habang BARMM pa rin ang may pinakamababa sa 41.1%.

Sinasalamin din nito ang parehong bahagdan ng kawalang-trabaho sa mga rehiyon.

Wala sa trabaho dahil sa COVID-19

Samantala, pinasirit din ng virus ang bilang ng mga may hanap-buhay ngunit hindi makapag-report sa trabaho dahil sa banta ng hawaan at restriksyon ng gobyerno.

Nasa 97% ng mga empleyado't manggagawa sa ngayon ang nagsasabing wala sila sa trabaho dahil sa COVID-19 at lockdown.

Mula sa 1.1% lang noong Abril 2019, nag-skyrocket ito patungo sa 38.4% noong ngayong Abril 2020.

Dahil diyan, 12.5 milyon ang itinaas ng may trabaho ngunit wala sa trabaho sa loob ng isang taon.

Suspendido ang lahat ng pampublikong transportasyon sa malaking bahagi ng Pilipinas simula noong Marso, at ngayon-ngayon lang nakapapanumbalik sa limitadong kapasidad. Gayunpaman, bawal pa rin pumasada ang mga jeep sa mga lugar gaya ng Metro Manila, dahilan para wala silang kitaing pera.

Sarado pa rin ang maraming establisyamentong hindi "esensyal" kung ituring, dahilan para maging sarado pa rin ang maraming tindahan sa mga mall.

Marami tuloy sa ngayon ang umaasa na lamang sa Social Amelioration Program (SAP), Small Business Wage Subsidy (SBWS), relief goods ng local government units, atbp. para sa pang-araw-araw.

NOVEL CORONAVIRUS

PHILIPPINE STATISTICS AUTHORITY

UNEMPLOYMENT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with