COVID-19 cases sa Pilipinas halos 20,000 na, nadagdagan nang 751
MANILA, Philippines (Update 1, 5:23 p.m.) — Parami pa rin nang parami ang bilang ng coronavirus disease (COVID-19) infection sa Pilipinas, sa pagpapatuloy ng mas maluwag na quarantine measures laban sa nakamamatay na virus, Miyerkules.
Sa ulat ng Department of Health (DOH) ngayong araw, tumuntong na sa 19,748 ang bilang ng kumpirmadong nahahawaan nito sa bansa.
Ang 751 panibagong kasong naiulat ay nagmula sa mga sumusunod:
- fresh cases (221)
- late cases (530)
Ang mga "fresh cases" ay nagmula sa mga resultang naibahagi sa mga pasyente sa nakalipas na tatlong araw. Natagpuan 'yan sa:
- National Capital Region (68)
- Central Visayas (102)
- iba pang rehiyon (51)
Ang mga "late cases naman ay mula sa mga resultang lampas apat na araw nang naibigay. Naitala naman ang mga sumusunod sa:
- NCR (174)
- Central Luzon (240)
- iba pang rehiyon (105)
- repatriate mula sa ibang bansa (11)
"Ang mataas na late cases na galing sa Region 7, ay dahil kahapon lang po nakapag-submit ng accomplishment reports ang isa sa mga laboratoryo natin mula po noong May 20," paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang virtual briefing.
Samantala, 974 na ang namamatay sa sakit. Mas marami 'yan ng walo kumpara kahapon.
"Kami po ay taos-pusong nakikiramay sa mga pamilya at kaibigan ng mga naulila," dagdag ni Vergeire.
Umigi naman ang kalusugan ng 90 pang COVID-19 patients, dahilan para umabot na ito sa 4,153 ang gumagaling.
Halos 6.2 milyon na ang dinadapuan ng sakit sa buong mundo simula nang kumalat ito sa Wuhan, China Disyembre ng 2019. Sa bilang na 'yan, 376,320 na ang patay, sabi ng World Health Organization.
Related video:
- Latest