CREATE tax reform lilikha ng 1.1 milyong trabaho
MANILA, Philippines — Lilikha ng mahigit 1.1 milyong trabaho sa loob ng limang taon ang pinatatag na ‘tax reform package’ na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) ng pamahalaan habang isusulong din nito ang isang V-Shape Recovery na naglalayong maibangon ang ekonomiya ng bansa.
Sinabi ni House Ways and Means Committee chairman at Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, co-chairman ng Defeat COVID-19 Committee Stimulus Package, ang bilang umano ng trabahong mabubuksan sa pagpasa ng CREATE ay mababa lamang sa kalahati na aabot sa tinatayang 2.2 milyon hanggang 4.4 milyong manggagawa na matatanggal sa taong ito dulot ng COVID pandemic.
Ang CREATE ay ang dating Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act o CITIRA na pinatibay ng Kamara sa pangunguna ni Salceda, pangunahing may akda ng panukala upang lalong matugunan ang hamon ng bagong coronavirus pandemic.
Ayon kay Salceda, ang CREATE ay makakatulong sa paglago ng may 1.2 % ng Gross Domestic Product bawat taon na maaaring pumalo ?sa 8% sa 2021 na siyang ‘base effect’ nito.
Base sa ulat ng Cabinet-level Development Budget Coordination Committee, maaaring lumago ang ekonomiya sa 7.1% hanggang 8.1 % sa 2021. Sa kasalukuyang taon, tinaya na uurong ng 2%-3.4% ang GDP na sa kasaysayan ay siyang pinakamalalang paglubog ng ekonomiya noong 1985.
Ang CITIRA ay inaprubahan ng Kamara noong 2019 at nakabinbin sa Senado.
Ayon sa solon, sasang-ayon sila sa bersiyon ng Senado upang mapabilis ang pagpapasa sa CREATE bunga ng matinding pangangailangan na maibangon ang ekonomiya.
Hinihingi ng CREATE ang pagbawas ng Corporate Income Tax (CIT) sa bansa mula 30%, na siyang pinakamataas sa rehiyon, hanggang 25%.
- Latest