^

Bansa

'Anti-terror' bill unconstitutional, anti-demokratiko — mga abogado

James Relativo - Philstar.com
'Anti-terror' bill unconstitutional, anti-demokratiko — mga abogado
Protesta ng grupong Anakpawis sa tapat ng Department of Justice taong 2018.
The STAR/Miguel de Guzman, File

MANILA, Philippines — Sari-saring grupo ng mga abogado ang pumapalag ngayon sa House Bill 6875, o "Anti-Terror bill", bagay na dinidinig na lang sa Kamara matapos pumasa ang counterpart bill nito sa Senado.

Ngunit bakit? Para sa Concerned Lawyers for Civil Liberties (CLCL) at National Union of People's Lawyers (NUPL), kontra sa layunin ng demokrasya at karapatang pantao ang nasabing panukala na "certified as urgent" ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Basahin: 'Anti-terror bill,' sertipikadong urgent ni Duterte

"Tila parte ng istratehiya ng administrasyong Duterte ang pagmamadali sa proseso ng Konggreso... para madispatsa ang mga kritiko at oposisyon, sa kahit anong pamamaraan," sabi ng CLCL, Martes, sa Inggles.

Layon ng panukalang i-repeal ang Human Security Act of 2007, habang pinalalawig ang depenisyon ng terorismo.

May kaugnayan: ‘Anti-terror’ bill defines terrorism vaguely but has clear and specific dangers

Ang malala pa rito, pinarurusahan din daw ng Section 4 nito ang mga aktong wala namang kinalaman sa terorismo. Tulad na lang ng pamiminsala sa "critical infrastructure" gaya ng telecommunication, transportation, radio, television at information systems and technology.

Maliban diyan, "terorismo" na rin daw maituturing ang mga aktong ginagawa — gaya ng pananakit — para "sindakin" (i-intimidate) ang gobyerno para kumilos.

"Ang peligro dito ay kung paano iintindihin ng gobyerno ang mga lehitimong kritisismo at pagtutol sa ilalim ng pakahulugang 'yan — libre ang gobyernong tukuyin kung sino ang mga 'pinaghihinalaang terorista,'" dagdag ng CLCL.

"Kahit ang mga ordinaryong mamamayan na naglalabas lang ng reklamo nila laban sa gobyerno sa social media ay baka maging saklaw niyan."

Kasama sa mga co-convenors ng CLCL sina:

  • De Lasalle College of Law dean Chel Diokno
  • Cebu College of
  • Law dean Rose-Liza Eisma-Osorio
  • Dean Tony La Viña
  • Neri Colmenares
  • Ted Te
  • Erin Tañada
  • Jojo Lacanilao
  • Kristina Conti

Kanina lang nang sabihihin ni Senate Presidente Tito Sotto na "halos pasado" na ang anti-terror bill ngayong pinagmamadali na ni Duterte ang Konggreso na ipasa ito.

Sinabi ni Duterte sa isang lihim kahapon sa Kamara na kailangan itong maipasa para mapatindi ang pangil ng gobyerno kontra-terorista:

"I hereby certify to the necessity of the immediate enactment of House Bill No. 6875... top address the urgent need to strengthen the law on anti-terrorism in order to adequately and effectively contain the menace of terrorist acts for the preservation of national security and the promotion of general welfare."

Labag sa konstitusyon? 

Sa ilalim ng panukala, may mga probisyon din na nagpapahintulot sa 60-90 araw na paniniktik ng mga pinaghihinalaang terorista. 

Binira rin ng CLCL ang Section 29 ng panukala, na nagpapahintulot sa pagkakakulong ng mga suspek hanggang 24 araw kahit walang kaso at warrant — bagay na labag sa konstitusyon.

"[L]abag ito sa Article VII, Section 18 ng 1987 Constitution, na nagbabawal sa pagpipiit nang walang kaso lampas sa tatlong araw kahit na isuspindi pa ang writ of habeas corpus," sabi pa ng grupo.

Tinanggal na rin ang probisyon sa P500,000 kada araw na danyos perwisyos para sa mga ikukulong ngunit mapatutunayang walang sala kaugnay ng anti-terror measure.

Sa ilalim din ng panukala, bibigyan ang Anti-terror Council, na binubuo ng mga executive officials, ng mga kapangyarihang iginagawad lang sa mga korte.

Imbis na ipatupad ang bill, nanawagan ang CLCL para sa mas demokratiko at makataong batas habang nilalabanan ang terorismo.

Kritiko hindi terorista ang target?

Babala tuloy ni NUPL national president Edre Olalia, baka hindi naman talaga ito gamitin laban sa mga totoong terorista.

"Tatargeting nito... ang mga kritiko, oposisyon at social advocates kaysa mga totoong terorista gamit ang kapangyarihan ng Estado pamamagitan ng suhetibong mga pakahulugan, pag-arestong arbitraryo at mahabang pagkakakulong," ani Olalia.

Maliban sa nakatatakot, nagtataka rin ang NUPL kung bakit itinutulak ito ngayon kung kailan talamak ang pandemya ng coronavirus disease (COVID-19).

"Baka ito na ang gamiting manual o handbook ni 'Big Brother' sa isang police state," dagdag pa niya. 

Una nang tiniyak ni Department of the Interior and Local Government spokesperson Jonathan Malaya na hindi naman daw nila aabushin ang anti-terror bill kahit maipasa pa ito.

ANTI-TERROR BILL

HUMAN RIGHTS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with