'Anti-terror bill,' sertipikadong urgent ni Duterte

Nakayuko habang nakapikit si Pangulong Rodrigo Duterte sa larawang ito.
File

MANILA, Philippines — Sinertipikahan na bilang "urgent" ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na aamyenda sa kasalukuyang anti-terrorism law na umiiral sa bansa.

Sa isang sulat kay House Speaker Alan Peter Cayetano, sinabi ni Digong na pinapapaspasan na niya ang House Bill 6878 sa Kamara para mapatindi ang government efforts kontra terorismo.

"I hereby certify to the necessity of the immediate enactment of House Bill No. 6875... top address the urgent need to strengthen the law on anti-terrorism in order to adequately and effectively contain the menace of terrorist acts for the preservation of national security and the promotion of general welfare," sabi ng presidente.

"It is certified urgent bill para matapos ito bago mag-recess ang Congress before June 5," ani Cayetano sa isang vritual briefing.

Una nang naipasa ang counterpart nitong Senate Bill 1083 sa Senado, bagay na inangkop ng Kamara.

Binabatikos ang HB 6875 dahil sa probisyong "warrantless arrest," 60-90 araw na surveillance, malawak na depenisyon ng terorismo at 12-taong pagkakakulong ng mga "mag-eenganyong" gumawa nito kahit 'di direktang lumahok sa terorismo.

BASAHIN: ‘Anti-terror’ bill defines terrorism vaguely but has clear and specific dangers)

Tinanggal din sa panukala ang P500,000 kada araw na danyos perwisyos na ibinabayad kung napatunayang inosente ang inarestong terrorist suspect.

"Terorismo" na ring ituturing ang mga gawaing makakapinsala o makapapatay sa tao kung ginagawa ito para "impluwensyahan sa pamamagitan ng paninindak ang gobyerno."

Kung maipapasa, maaaring parusahan nang pang-habambuhay na kulong na walang piyansa ang mga mapatutunayang lalabag dito.

Matatandaang No. 1 sa Twitter trends ng Pilipinas ang #JunkTerrorBill dahil sa mga nabanggit na probisyon, bagay na pagsikil diumano sa karapatang pantao.

Pinalagan naman ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang maniobra ni Duterte, lalo na't isinabay pa ito sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

"In the midst of a raging pandemic, where health and livelihood are threatened, how is this “terror law” more important?" ani BAYAN secretary general Renato Reyes Jr.

"How is repressing the people’s rights more important than addressing the health crisis? If they can use the Bayanihan Act to arrest people, how easy would it be to abuse the “terror law” and arrest critics?" — James Relativo at may ulat mula kay The STAR/Alexis Romero

Show comments