PISTON 'ibinusina' ang pagbabalik-pasada ng jeep ngayong GCQ
MANILA, Philippines — Iprinotesta ng ilang militanteng tsuper at operator ng jeep ang patuloy na pagbabawal sa mga "hari ng kalsada" kahit pinapayagan na ang limitadong public transportation sa unang araw ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Nandiyan pa rin kasi ang restriksyon sa jeepney operations kahit may limitadong biyahe na ang mga tren, taxi, transport network vehicle services (TNVS), tricycle at ilang uri ng bus.
Dahil dito, walang kita ang jeepney drivers simula nang mag-lockdown kontra coronavirus disease (COVID-19).
Bandang ika-10 nang umaga nang sabay-sabay bumusina ang mga drayber sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas bilang pagkundena sa guidelines ng Department of Transportation (DOTr). Inilunsad ito sa Philcoa, Quezon City; Monumento at Sangandaan sa Caloocan at marami pang lugar.
"[Ginawa namin ito] para muling makapaghanap-buhay ang mga driver, at makarating ang mga manggagawa't kawani sa mga empresa't opisina nila," sabi ng PISTON sa isang statement, Lunes.
"Lubhang ikinababahala ng PISTON ang patuloy na pagbabawal ng DOTr, LTFRB at IATF sa operasyon ng mga PUJ. Ang katumbas nito ay Jeepney Phaseout."
NGAYON: BUSINA PARA SA BALIK PASADA! Nagtipon-tipon na ang mga tsuper at operator ng jeep mula sa Metro Manila upang tutulan ang mga di makatarungang tugon ng rehimeng Duterte hinggil sa usapin ng pampublikong transportasyon. #BalikPasada#MassTransportNow#NoToJeepneyPhaseout pic.twitter.com/cXXqw3IbK6
— PISTON (@pistonph) June 1, 2020
Sa panayam ng CNN Philippines, sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na marami pang dapat tiyakin bago payagan ang pagpasada ng mga jeep.
"They must pass a test to prove they are roadworthy, and they have to maintain security and health protocols," ani Tugade.
Una nang sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia na mahirap pang payagan ang mga jeep sa ilalim ng GCQ.
Aniya, mahirap pa raw kasing mabantayan kung nasusunod ang social distancing sa mga naturang sasakyan, na maaaring pagmulan ng hawaan ng COVID-19.
"Alam naman po natin ang jeep natin... stop-and-go 'yan. Sasakay, magbababa so medyo mahirap po i-monitor hangga't di pa natin nadidisiplina ang ating mga kababayan sa tamang pagsakay at pagbaba po," ani Garcia.
Pero katwiran ng PISTON, kaya namang gawan ng paraan upang maging ligtas ang mga jeep mula sa pasahan ng nakamamatay na virus.
Bilang patunay, ipinakita ng mga tsuper ang ginawa nila sa kanilang mga sasakyan upang maipatupad ang social maging ligtas ang biyahe sa gitna ng pandemya.
NGAYON: BUSINA PARA SA BALIK-PASADA! Tignan ang loob ng mga jeep na inayos ng mga drayber upang umangkop sa social distancing at siguraduhing maghahatid sila ng ligtas na serbisyo sa mga manggagawang pilipino#BalikPasada#MassTransportNow#NoToJeepneyPhaseout pic.twitter.com/4eDDAJkQnc
— PISTON (@pistonph) June 1, 2020
"Malinaw na diskriminasyon ang isinasagawa ng gobyerno para alisin ang mga lehitimong jeepney sa pagbiyahe, at maipilit ang operasyon ng mga tinatawag na modern jeepney," sabi pa ng grupo.
"Bukod dito, iginigiit din ng mga drayber na ipatupad ang testing sa hanay nila at sa iba pang mga kasama sa operasyon ng mga jeepney at PUV, gaya ng mga konduktor, kolektor, barker at iba pa, para matiyak na sila ay walang sakit na COVID-19 bago sumabak sa pamamasada at pagserbisyo sa pasahero."
Tama sa ekonomiya
Pangamba tuloy ng PISTON, baka mahirapan umabante ang ekonomiya habang limitado ang masasakyan. Imbis na makarating ng trabaho ang mga empleyado't kumita ang mga drayber, hirap na hirap daw maglakad o magbisikleta ang mga mananakay.
Kaninang umaga nang mapuno ng commuter ang ilang kalsada gaya ng Commonwealth Ave., sa dahilang walang masakyan patungong trabaho.
Bagama't pinapayagan na ang pagbabalik ng 75% ng mga empleyado sa opisina't pagawaan, 10%-12% lang ang pwedeng sumakay sa MRT, LRT at Philippine National Railways.
Sa LRT-1, 200 lang ang pwedeng sumakay nang sabay-sabay — malayo sa dating 1,000. Ang mga tricycle, isa lang ang pwedeng isakay at dapat munang payagan ng local government unit.
Kahit may mga taga-probinsyang nagtratrabaho sa Metro Manila, bawal pa rin pumasok ng National Capital Region (NCR) ang mga provincial buses.
Bukod pa riyan, sa ika-22 ng Hunyo pa magsisimulang papayagan ang pagpasada ng mga:
- public utility buses
- modern public utility vehicles (PUVs)
- UV Express
"Ibalik ang pamamasada para maibalik ang hanapbuhay ng mga drayber, at maibalik ang transporasyon ng manggagawa at mamamayan!" panapos ng grupo.
'Service contracting'
Samantala, nanawagan naman ng agarang "service contracting mechanisms" at aktibong transport infrastructure ang koalisyong Move as One bilang tugon sa kakulangan ng pampublikong transportasyon ngayong GCQ na sa Metro Manila.
Aniya, makatutulong daw ito nang husto para maprotektahan ang mga public transport workers, na namimili sa pagitan ng kanilang kabuhayan at kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
"The current crisis highlights the need to do away with the current 'boundary system' and instead shift to service contracting," ani Ernie Cruz, presidente ng National Confederation of Transportworkers Union (NCTU).
"By shifting to service contracting, the government pays the operators and drivers a per-kilometer fee to run the routes assigned to them, so the income of our transport workers is independent of the number of passengers they have."
Aniya, matitiyak daw nito ang seguridad sa trabaho ng 2.7 milyong land transport workers, habang ligtas ang 8 milyong commuter ng NCR.
Iminungkahi ng Move as One na mamuhunan ng P30 bilyon para kontratahin ang libu-libong PUV sa buong bansa, bilang bahagi ng P 110 bilyong "Biyahenihan" package.
Una nang in-endorso ni Sen. Grace Poe, chair ng Senate Committee on Public Services, ang proposal ng Move as One sa DOTr.
- Latest