Presyo ng gadgets pinababantayan
MANILA, Philippines — Pinababantayan ni Sen. Imee Marcos sa pamahalaan ang presyo ng laptop, tablet, pocket wifi, cell phone, personal computer at iba pang electronic device ngayong naghahanda na sa online learning ang mga paaralan sa pagbubukas ng eskwela sa Agosto.
Sinabi ni Marcos na maraming mag-aaral ang posibleng maiwan o tuluyang hindi makapasok sa sinasabing virual o online learning na siyang ipapatupad ngayong pasukan.
Ito ay dahil na rin sa kakapusan ng budget para sa nasabing online learning na isinusulong ng Department of Education (DepEd).
Kaya giit ng senadora, kung sobra-sobra umano sa mahal ang mga gadget ay paano pa makakayanang bumili ng mga magulang kaya dapat na ibaba ang presyo ng mga mobile at electronic device na gagamitin ng mga estudyante.
Panawagan ni Marcos, dapat tulungan ng gobyerno ang mga magulang at bantayan ang mga tiwaling negosyante na huwag samantalahin ang mataas na demand ng mobile at electronic device tulad ng laptop, table, pocket wifi, cell phone at personal computer lalo na ngayong panahon ng COVID-19 dahil sa may kaukulang parusang nakatakda sa sobrang pagpapatong ng presyo sa kanilang paninda.
Nanawagan din siya sa mga negosyante na mag-alok ng mga pautang sa mga estudyanteng kapos sa kanilang budget at hikayating bumili ng mga second hand mobile at electronic device.
- Latest