KMP: 'Balik-probinsya' program dapat may libreng land distribution

Bus na sumusundo sa unang batch ng mga taong nag-avail ng "Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program" patungong Leyte, ika-20 ng Mayo, 2020
The STAR/Boy Santos

MANILA, Philippines — Binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang kasalukuyang Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa (BP2) Program ng gobyerno, na ipinatutupad ngayon para mapaluwag ang Kamaynilaan sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Sa pananaw ng mga militanteng magsasaka, kontra-mahirap ang nasabing pet project ni Sen. Christopher "Bong" Go, na didispatsa lang daw sa urban poor habang lalong binabagahe ang mga maralita sa kanayunan.

"Pagbalik sa probinsya, walang trabaho, walang lupa na masasaka para sa mga maralita, apektado pa ng militarisasyon," ani Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP, sa Inggles.

"Kasing hirap na kalagayan ang dadatnan ng mga maralitang tagalunsad sa Balik Probinsya Program."

Para kina Ramos, magtatagumpay lang ang nasabing programa kung palalakasin ang agrikultura't libreng mamamahagi ng lupa sa magsasaka para ma-develop ang rural economy.
 
Una nang sinabi ng gobyerno na suportado nila ang transportasyon, kabuhayan, housing, edukasyon atbp. ng mga informal settlers na mag-a-avail ng programa.

Gayunpaman, wala raw "komprehensibong" socio-economic program para sa pangmatagalang paninirahan ng maralitang lungsod sa mga probinsya.

"Napalayas sa mga bukid sa probinsya ang mga mamamayan kaya sila napilitan na maghanap ng trabaho at kabuhayan sa mga lungsod at sa Metro Manila," dagdag ni Ramos.

"Walang pag-asa sa Balik Probinsya ni Duterte kung walang lupa at kabuhayan sa kanayunan." 

Mula 1988 hanggang 2016, umabot sa 100,000 ektarya ng agricultural lands ang ang inaprubahan ng Department of Agriarian Reform (DAR) para sa land-use conversion.

Oras na i-convert ng mga negosyo ang mga agricultural lands, hindi na ito maaaring ipamahagi ng gobyerno para sa mga magsasaka. 

COVID-19 exportation program?

Miyerkules ng gabi nang unang mapasok ng COVID-19 ang Baybay City at Tanauan, Leyte — dahil mismo sa Balik Probinsya Program.

Sinasabing 28-anyos na lalaki ang nagpositibo sa Baybay City habang 26-anyos na lalaki naman ang natagpuan sa Tanauan. Pareho silang nasa community quarantine facilities sa ngayon.

Depensa ni Go

Dumepensa naman si Go sa mga batikos na natanggap ng kanyang programa dahil sa mga aniya'y "exported" COVID-19 cases dahil sa BP2.

"Lahat ng mga beneficiaries na umalis [ng Metro Manila] noong May 20 pauwi ng Leyte ay nakapag-comply naman sa required health certification mula sa LGU at DOH pero dahil rin sa kaibahan ng sakit na COVID-19, hindi natin nakikita ang kalaban," sabi ng senador sa isang pahayag.

"Kahit 'yung mga nag-negative sa test, pwedeng maging positive pagkatapos ng ilang araw. No one can really tell."

Matatandaang pumalag sa implementasyon ng programa si Ormoc City Mayor Richard Gomez, sa dahilang kulang daw ang koordinasyon ng national government sa mga lokal na pamahalaan.

"This Balik Probinsya program that started last week, we were not informed of the people arriving," ani Gomez sa panayam ng ANC.

"We were just surprised there was a bus already."

Martes nang sabihin ni Interior Secretary Eduardo Año na hindi nabigyan ng sapat na oras ang Ormoc City para makapaghanda sa pagdating ng mga benepisyaryo ng Balik Probinsya program. Gayunpaman, "isolated" case lang naman daw ang programa ng mga nagpositibo sa COVID-19.

Show comments