MANILA, Philippines — Ipinade-deport at blacklist ng isang senadora ang mga Tsinong may kaugnayan sa mga gawa-gawan at 'di otorisadong coronavirus disease (COVID-19) clinic sa bansa, Huwebes.
Naglipana na kasi sa Pilipinas ang iligal na klinika, na kadalasa'y naglilingkod sa mga banyaga sa Pilipinas.
"Deport and blacklist these criminals. Hindi pwedeng ang higpit natin sa mga Pilipino pero maluwag tayo sa mga Chinese na sangkot sa krimen," sabi ni Sen. Risa Hontiveros sa isang pahayag.
Dalawang araw pa lang ang nakalilipas nang salakayin ng Makati City Police ang Goldstar Medical Clinic and Pharmacy Corp., na dumulo sa pagkakaaresto ng dalawang Tsino. Doktor ang isa sa kanila at sinasabing walang lisyensyang mag-practice sa Pilipinas.
Ika-19 naman ng Mayo nang arestuhin sina Liu Wei at Hu Shiling sa kanilang clinic sa Fontana Leisure Park in Clark, Angeles City. Gayunpaman, pinalaya rin sila nang walang kaso.
"While we are working hard to protect our people from the virus, these criminals freely roam and pose danger to public health," sabi ni Hontiveros sa isang pahayag.
"Insulto ito sa ating mga batas, at insulto rin sa bawat Pilipinong sumusunod sa ating quarantine measures."
Bukod sa mga na-raid na lugar sa itaas, sinalakay din ang isa establisyamento sa Parañaque. Sinasabing mga empleyado ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at Tsino ang nabanggit na klinika.
Maaaring humarap sa paglabag ng Food and Drug Administration Law, Medical Act of 1959 at Hospital Licensure Act ang mga nahuhuli kaugnay nito.
Pangamba ng senadora, walang regulasyon at maaari pa raw pagmulan ng community transmission ng COVID-19 ang mga pasilidad: "Buhay ng mga Pilipino ang nakasalalay."
Kanina lang nang sabihin ni Justice Secretary Menardo Guevara na inaatasan na nila ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) na hanapin ang mga ito.
Karagdagang imbestigasyon
Dahil sa pagdami ng mga nasabing pasilidad, inatasan na ni BI Commissioner Jaime Morente sina Liu at Hu, ang mga dating nahuli sa Pampanga, sa kanilang alert list.
"We have placed them on our alert list to prevent them from leaving the country and ensure their presence while they are undergoing criminal and administrative investigation for their alleged offenses," ani Morente.
Bukod pa riyan, paiimbestigahan din nila sa Intelligence Division ng BI kung ligal ba o hindi ang pananatili ng mga dayuhan sa Pilipinas.
Pinahahanap na rin ang apat pang Chinese patients sa nasabing klinika sa Clark clinic na nagpapagaling nang i-raid ito ng mga otoridad.
"Should we find they violated our immigration laws, they will be charged them with deportation cases before our law and investitgation division," sabi pa niya. Pinag-aaralan pa nila kung may kuneksyon ang klinika sa Pampanga at Makati. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag