Regular na bus, jeep 'bawal' pa ring pumasada kahit mag-GCQ sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Hindi pa rin papayagang pumasada ang mga regular na pampublikong bus at jeep sa Metro Manila kahit na i-downgrade ang lockdown mula modified enhanced community quarantine (MECQ) patungong mas maluwang na general community quarantine (GCQ), sabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
'Yan ang sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia sa isang virtual briefing, Miyerkules, kahit karaniwang pinapayagan ang pampublikong transportasyon sa mga GCQ areas basta't may social distancing.
Giit ni Garcia, mahihirapan daw kasing ipatupad ang physical distancing sa mga nasabing sasakyan oras na mag-GCQ.
"Alam naman po natin ang jeep natin at bus stop-and-go 'yan. Sasakay, magbababa so medyo mahirap po i-monitor hangga't di pa natin nadidisiplina ang ating mga kababayan sa tamang pagsakay at pagbaba po," sabi ni Garcia.
Halos dalawang buwan nang ipinatutupad ang ECQ at MECQ sa Metro Manila, dahilan para suspindihin ang lahat ng pampublikong transportasyon sa rehiyon.
Martes nang irekomenda ng 17 Metro Manila mayors ang pag-shift patungong GCQ sa National Capital Region pagsapit ng ika-1 ng Hunyo, habang idinidiin na may kapangyarihan pa rin ang mga mayor mag-lockdown sa ilang baranggay.
Sa kabila niyan, nais namang payagang bumiyahe ang ibang mga pampublikong sasakyan, sa dahilang mas madali raw itong i-monitor.
Ilan sa mga gustong payagan ng MMDA ay ang mga Point-to-Point (P2P) buses, taxi, ride-hailing services at tricycle.
Sabi ni Garcia, madali naman daw kasing subaybayan ang mga P2P lalo na't diretso na ito sa patutunguhan at hindi na magsasakay pa sa kalagitnaan ng biyahe.
Madali naman daw makontrol ang mga nakasakay sa mga taxi, Transport Network Vehicle Service (TNVS) at tricycle dahil kakaonti lang naman daw ang sinasakay nito.
"'Yan po OK lang 'yun kasi kaya po natin i-monitor agad kung ilan ang laman niyan," sabi ng MMDA official.
Aniya, makagaganda rin daw ang GCQ sa NCR para na rin tumakbo na ang ekonomiya sa Kamaynilaan, na labis naapektuhan ng lockdown kontra coronavirus disease (COVID-19).
Sa huling tala ng Department of Health (DOH), umabot na sa 14,669 ang naghahawaan ng nakamamatay na COVID-19 sa bansa. Sa bilang na 'yan, 886 na ang binabawian ng buhay.
- Latest